Hatol sa Batangas Drug Bust, Patunay ng Tagumpay sa Paghahatid ng Hustisya
Hindi lamang ang pagkakasabat ng humigit-kumulang 1.4 toneladang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱9.68 bilyon sa Alitagtag, Batangas noong 2024 ang maituturing na malaking tagumpay laban sa ilegal na droga, kundi maging ang kamakailang paghatol ng korte sa isang Canadian national na iniuugnay sa naturang operasyon.
Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ang dayuhang suspek dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, isang mahalagang hakbang na nagpapakita ng kahalagahan ng matagumpay na pag-uusig kasunod ng malalaking anti-drug operations.
Bagama’t madalas na nakatuon ang atensyon ng publiko sa dami at halaga ng mga nakukumpiskang ilegal na droga, iginiit ng mga awtoridad na hindi dito nagtatapos ang laban. Ayon sa kanila, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay ang kakayahang makabuo ng matibay na kaso na magreresulta sa hatol ng pagkakasala sa hukuman.
Kinakailangan umano ang masusing imbestigasyon, maingat na paghawak ng ebidensya, at mahigpit na koordinasyon ng mga law enforcement at prosecutorial agencies upang matiyak na mananagot ang mga nasa likod ng ilegal na operasyon.
Ipinapakita rin ng kinalabasan ng kaso ang patuloy na pagtutok ng Philippine National Police (PNP) sa intelligence-driven investigations sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Ayon sa PNP, ang isang operasyon ay hindi lamang nasusukat sa laki ng nakumpiskang kontrabando kundi sa kakayahang mapanagot ang mga sangkot sa pamamagitan ng legal na proseso. Ito rin ang isinusulong na adhikain ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas na nakatuon sa “Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Para sa mga awtoridad, nagsisilbing malinaw na babala ang naturang hatol sa mga sangkot sa ilegal na droga na hindi nagtatapos sa pag-aresto ang kanilang pananagutan. Samantala, para sa mga tagapagpatupad ng batas, ang desisyon ng korte ay patunay na ang matagumpay na operasyon ay nakikita hindi lamang sa dami ng nakumpiskang droga kundi sa pagkamit ng hustisya sa pamamagitan ng hatol ng hukuman. (MARISA SON)
