Pananagutan, Serbisyo at Resulta, Ipinunto sa Pamumuno ni PNP Chief Nartatez

Patuloy na isinusulong ng Philippine National Police (PNP) ang mga reporma sa larangan ng propesyonalismo, pananagutan at serbisyo publiko sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ayon sa PNP, nakatuon ang kasalukuyang pamunuan sa pagpapatupad ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” na layong mapalakas ang tiwala ng publiko sa organisasyon sa pamamagitan ng mahusay na paghahatid ng serbisyo.

Isa sa mga binigyang-diin na hakbang ng PNP ang pagkakaaresto sa nahatulang dating pulis na si Rafael Dumlao III kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo. Ayon sa PNP, ipinakikita ng naturang kaso na walang sinuman, anuman ang ranggo o dating posisyon, ang nakahihigit sa batas.

Kasabay nito, sinabi rin ng organisasyon na pinaigting nito ang kampanya laban sa mga tiwaling miyembro ng hanay. Mahigit 1,500 tauhan ang napatawan ng iba’t ibang administratibong parusa sa nakalipas na mga buwan, kabilang ang ilang natanggal sa serbisyo dahil sa paglabag sa mga umiiral na patakaran.

Patuloy din umano ang pagpapalakas ng mga mekanismo ng pangangasiwa at pagresolba sa mga kasong administratibo upang matiyak ang pananagutan ng mga tauhan ng pulisya.

Sa kampanya laban sa ilegal na droga, isa sa mga itinuturing na malaking tagumpay ng PNP ang pagkakahatol sa isang Canadian national na iniuugnay sa pagkakasamsam ng tinatayang 1.4 toneladang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P9.68 bilyon sa Batangas. Ayon sa pulisya, ipinakita ng kaso ang kahalagahan ng masusing imbestigasyon at matibay na pagbuo ng kaso upang matiyak ang matagumpay na pag-uusig sa mga sangkot.

Bukod sa pagpapatupad ng batas, aktibo rin ang PNP sa mga operasyon sa panahon ng kalamidad. Nang tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao, libu-libong pulis ang nagsagawa ng search and rescue operations, tumulong sa pamamahagi ng ayuda, nagbantay sa mga evacuation center, at tumulong sa pagpapanumbalik ng kaayusan sa mga apektadong lugar.

Ayon sa PNP, bahagi ng kanilang layunin ang pagtataguyod ng isang institusyong may integridad, may kakayahang maghatid ng resulta, at handang tumugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Bagama’t kinikilala ng organisasyon na nananatili ang iba’t ibang hamon sa hanay ng pulisya, iginiit nito na nagpapatuloy ang mga reporma at mga hakbang upang mapabuti ang serbisyo at mapalakas ang pananagutan sa loob ng institusyon. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights