PBBM, Inatasan ang DSWD na Ipagpatuloy ang Tulong sa mga Biktima ng Sunog sa Parola Compound

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyaking tuluy-tuloy ang ayuda at maayos ang kalagayan ng mga pamilyang naapektuhan ng malawakang sunog sa Parola Compound sa Manila.

Sa isinagawang pamamahagi ng relief goods sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex sa Delpan, Maynila, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na makatatanggap ng tig-PhP10,000 cash assistance ang bawat apektadong pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng ahensya.

Bukod sa cash aid, namahagi rin ang DSWD ng food packs, hygiene kits, sleeping kits, cooking kits, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuee.

“Narinig niyo naman ang utos ng Pangulo,” ani Gatchalian.

Personal ding pinangunahan ni Pangulong Marcos nitong Lunes ang distribusyon ng relief assistance para sa mga residenteng naapektuhan ng sunog na sumiklab sa Parola Compound noong Sabado.

Ayon pa kay Gatchalian, magbibigay din ang National Housing Authority (NHA) ng karagdagang PhP30,000 bawat pamilya bilang suporta sa rebuilding at recovery efforts ng mga biktima.

“Yung inanunsyo ng ating Pangulo kanina, una, PhP10,000 cash relief assistance mula sa AICS ng DSWD. Ang PhP30,000 naman ay mula sa National Housing Authority para sa rebuilding at recovery,” paliwanag ng kalihim.

Patuloy din umanong nakikipag-ugnayan ang DSWD sa social welfare office ng lokal na pamahalaan ng Maynila upang masiguro ang tuluy-tuloy na food relay at iba pang pangangailangan ng mga evacuee.

Tinatayang nasa 2,100 hanggang 2,400 pamilya ang naapektuhan ng sunog, ayon sa DSWD. Sa kasalukuyan, mahigit 2,140 pamilya na ang nabigyan ng tulong ng ahensya.

Nagpasalamat din si Gatchalian sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Francisco Domagoso o Isko Moreno dahil sa karagdagang financial assistance na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan sa mga biktima.

Ayon sa kalihim, malaking tulong ang pinagsamang ayuda mula sa pambansa at lokal na pamahalaan upang magkaroon ng panimulang suporta ang mga pamilyang nasunugan.

Samantala, tiniyak ng DSWD na patuloy nitong pagpapabubutihin ang kondisyon sa evacuation center sa Delpan upang maging mas maayos at komportable ang pananatili ng mga evacuee.

Sinabi naman ni Bienvenido Barbosa na nagpapatuloy ang augmentation assistance ng ahensya alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

“Nandito kami upang magbigay ng augmentation assistance sa pamamagitan ng inisyatiba ng Pangulo,” ani Barbosa.

Ipinaliwanag din niya na pangunahing tumutugon sa sitwasyon ang lokal na pamahalaan ng Maynila habang katuwang naman ang DSWD sa pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga naapektuhang pamilya. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights