Nangyari sa Senado, Higit pa sa Usapin ng Liderato - Goitia
Iginiit ng isang opisyal na hindi simpleng pagpapalit lamang ng liderato ang nangyari sa Senado nitong Lunes matapos mapatalsik si Senate President Vicente Sotto III at mapalitan ni Senador Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw umano na may layuning pigilan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte bago pa ito makapagsimula.
Sinabi ni Goitia na mahirap umanong balewalain ang naging takbo ng mga pangyayari sa Senado, kabilang ang pagbabalik ng isang senador na matagal nawala at ang paglipat ng apat na senador mula sa mayorya patungo sa kabilang kampo.
Sa pamamagitan ng 13 boto, napatalsik si Sotto bilang Senate President at pumalit si Cayetano.
Nauna nang nagpahayag si Sotto na handa nitong buksan ang impeachment court laban kay Duterte sa oras na maipadala ng Kamara ang articles of impeachment.
“Hindi ito usapin ng liderato. Ang totoong layunin ay pigilan ang impeachment trial na umusad,” pahayag ni Goitia.
Ayon pa kay Goitia, mas mabigat kaysa sa usaping pulitikal ang ipinakita ng naturang pangyayari dahil nasubok umano ang prinsipyo at paninindigan ng ilang mambabatas.
“Madaling magsalita tungkol sa prinsipyo kapag walang kapalit. Pero ang tunay na karakter ng isang lider lumalabas kapag mahirap na ang desisyon,” ani Goitia.
Tinukoy rin niya si Senador Ronald dela Rosa, na muling lumitaw matapos umano ang ilang buwang pagkawala upang magbigay ng isa sa pinakamahahalagang boto sa Senado.
Ayon kay Goitia, sariwa pa rin sa publiko ang usapin kaugnay ng drug war at ang mga naging kontrobersiya rito.
“Maraming mahihirap na Pilipino ang nasawi noon habang ang malalaking personalidad sa droga ay tila hindi naman naparusahan. Hindi basta nakakalimutan iyon ng taumbayan,” aniya.
Dagdag pa niya, napapansin umano ng publiko ang timing ng muling paglitaw ni dela Rosa sa gitna ng isang kritikal na usaping pampulitika.
“Marami ang tumatawag sa kanya na bayani. Pero ilang buwan siyang hindi makita habang may mga tanong tungkol sa pananagutan. Pagkatapos, bigla siyang lilitaw sa panahong kailangang protektahan ang mga nasa kapangyarihan. Nakikita iyon ng publiko,” dagdag ni Goitia.
Tinuligsa rin niya ang panawagan ng bagong mayorya para sa “unity,” dahil ayon sa kanya, nawawalan ito ng saysay kung ginagamit lamang upang maiwasan ang pananagutan at pagsisiyasat.
“Ang tunay na pagkakaisa ay may kasamang transparency. Kapag pinipigilan ang tao na magtanong sa mga nasa kapangyarihan, humihina ang demokrasya,” aniya.
Nagbabala rin si Goitia hinggil sa umano’y lumalaking impluwensya ng mga dayuhang interes sa pulitika ng bansa at hinikayat ang publiko na maging mapagmatyag sa mga lider na mas inuuna umano ang interes ng ibang bansa kaysa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Kasabay nito, nagpahayag siya ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsusulong umano nito ng soberanya ng bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
“Hindi puwedeng manahimik na lang ang mga Pilipino habang unti-unting naaapektuhan ang ating mga institusyon. Kailangang ipagtanggol ang bansa, ang ating kalayaan, at ang ating demokrasya bago pa lumala ang sitwasyon,” ani Goitia.
Binigyang-diin din niya na ang tunay na katapatan ng mga lider ay dapat manatili sa sambayanang Pilipino.
“Hindi ito simpleng political drama. Ganito dahan-dahang nababago ang direksyon ng mga institusyon. Paisa-isang hakbang, hanggang hindi na namamalayan ng tao kung ano na ang nawala. Sa huli, ang mamamayang Pilipino pa rin ang huhusga kung sino talaga ang nagsilbi sa bayan,” pagtatapos ni Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya, People’s Alliance for Democracy and Reforms, Liga Independencia Pilipinas, at Filipinos Do Not Yield Movement. (MARISA SON)
