Paninindigan ng Pilipinas sa WPS, Iginiit nina Teodoro at Goitia
Ipinahayag ni Dr. Jose Antonio Goitia ang kanyang buong suporta kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa gitna ng umiigting na usapin sa West Philippine Sea, kasabay ng paninindigan ng pamahalaan sa soberanya at karapatan ng bansa.
Ayon kay Teodoro, walang puwang ang mga alegasyong walang sapat na ebidensya sa ilalim ng pandaigdigang batas. Binigyang-diin niya na dapat patunayan ng mga nag-aakusa ang kanilang pahayag sa tamang legal na forum, lalo na kaugnay ng isyu sa Ayungin Shoal.
Suportado ito ni Goitia, na nagsabing ang isang bansang naninindigan sa katotohanan at batas ay hindi dapat magpatinag sa anumang uri ng presyur. Aniya, likas ang karapatan ng Pilipinas at hindi ito maaaring ipagkait o ipagpalit ng ibang bansa.
Lumilinaw rin, ayon sa kanya, ang patuloy na pagkilos ng China sa mga lugar na saklaw ng karapatan ng Pilipinas, na may direktang epekto hindi lamang sa teritoryo kundi pati sa kabuhayan ng mga Pilipino, partikular ang mga mangingisda.
Samantala, iginiit din ni Goitia na ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa mga kaalyado gaya ng United States at Japan sa pamamagitan ng mga ehersisyong militar tulad ng Balikatan Exercises ay isang lehitimong hakbang upang patatagin ang depensa ng bansa, at hindi isang provokasyon.
Para kay Goitia, ang West Philippine Sea ay hindi lamang usapin ng teritoryo kundi ng dignidad at kabuhayan ng mga Pilipino. Aniya, ang soberanya ay dapat ipinagtatanggol nang may tapang at malinaw na direksyon.
Dagdag pa niya, hindi dapat tanggapin ng bansa ang kapayapaang kapalit ang dignidad. Sa halip, ang tunay na kapayapaan ay yaong nakabatay sa katarungan at ipinagtatanggol ng katotohanan.
Sa huli, binigyang-diin ni Goitia ang matatag na paninindigan ng bansa: hindi nagpapasindak, hindi umaatras, at patuloy na ipagtatanggol ang mga karapatan nito sa harap ng anumang hamon.
