₱1.8-B Halaga ng Ilegal na Produkto Nasamsam sa Pinalakas na Operasyon ng PNP
Pinaigting ng Philippine National Police ang kampanya laban sa iligal na kalakalan at pagmimina matapos magsagawa ng magkakahiwalay na operasyon noong Abril 10, 2026, na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang ₱1.8 bilyong halaga ng ilegal na produkto at pagkakaaresto ng ilang indibidwal.
Sa pamumuno ni Jose Melencio C. Nartatez Jr., binigyang-diin ng PNP ang mas pinaigting na pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang publiko laban sa mga iligal na aktibidad.
Sa Lapu-Lapu City, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang isang pasilidad sa Cebu Light Industrial Park sa Barangay Basak sa bisa ng search warrant. Limang indibidwal, kabilang ang apat na dayuhan, ang inaresto dahil sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa falsification at paggamit ng pekeng dokumento.
Nadiskubre sa operasyon ang isang malakihang iligal na paggawa ng sigarilyo. Libo-libong kahon ng sigarilyo na may hinihinalang pekeng tax stamps, kasama ang mga makina at hilaw na materyales, ang nasamsam na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.1 bilyon.
Sa hiwalay na operasyon sa Valenzuela City, pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group ang pagsalakay sa isang bodega sa Barangay East Canumay sa ilalim ng Oplan Mega Shopper, katuwang ang Bureau of Customs at Department of Trade and Industry.
Sa naturang operasyon, nasamsam ang mga imported na pabango na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱700 milyon. Ang pangunahing suspek na kilala bilang “Allen” ay nananatiling at large, habang nagpapatuloy ang operasyon para sa kanyang pagkakaaresto.
Ayon sa DTI, sasailalim sa masusing beripikasyon ang mga nakumpiskang produkto upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan ng kalidad at kaligtasan alinsunod sa Republic Act No. 7394. Nasa kustodiya naman ng BOC ang mga ebidensya habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kaso.
Samantala, sa Surigao del Sur, nagsagawa rin ng operasyon laban sa ilegal na pagmimina sa Barangay Osmeña, Tagbina. Sa koordinasyon ng mga lokal na pulis at ng Department of Environment and Natural Resources, dalawang indibidwal ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act.
Nasamsam sa operasyon ang iba’t ibang kagamitan sa pagmimina, kabilang ang water pump, sluice mats, at mga kasangkapang panghukay, gayundin ang humigit-kumulang 70 sako ng lupa na pinaghihinalaang may lamang ginto na sasailalim pa sa pagsusuri.
Ayon sa PNP, ipinapakita ng magkakasunod na operasyong ito ang mas pinaigting at intelligence-driven na kampanya laban sa iligal na gawain—mula sa kalakalan hanggang sa pagmimina.
Binigyang-diin ng ahensya na magpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang sugpuin ang mga lumalabag sa batas, maprotektahan ang mamamayan, at matiyak ang seguridad at kinabukasan ng bansa. (Bong Son)
