Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong footbridge at concourse sa Kamuning Station ng EDSA Busway, kapalit ng dating matarik at hindi ligtas na istrukturang tinaguriang “Mt. Kamuning”.
Sa panayam matapos ang inspeksyon, sinabi ng Pangulo: “Well, the old one is not very good at all”, at idinagdag pa niya na hindi na muling bubuksan sa publiko ang lumang tulay.
“Naayos natin ito within four months. Ang pangako sa atin ay anim na buwan. Eh apat na buwan pa lang ay tapos na,” ayon sa Pangulo.
Matagal nang binabatikos ang dating footbridge dahil sa sobrang taas na hagdan at panganib sa mga gumagamit. Tinawag pa ito ng Pangulo na hindi praktikal dahil sa dami ng commuter na dumaraan araw-araw.
Ang bagong tulay ay mas mababa ang hagdan, may mga elevator, wheelchair lifts, at nakalaang wheelchairs para sa mga may kapansanan.
“I’m happy to see that this is the sort of thing that… Ito naman ay kaya naman palang gawin. Hindi naman ganoon kahirap at basta’t desidido tayo na ayusin natin ang commuter experience,” ani PBBM.
Ayon sa Pangulo, humigit-kumulang 750,000 pasahero ang gumagamit ng MRT at EDSA Busway araw-araw, kaya’t mahalaga ang Kamuning station bilang daanan ng mga manggagawa at commuter sa Metro Manila.
“Mahirap na nga mag-commute, mahaba, mainit kung ganoon. Eh sabi ko dapat naman ay tugunan natin ‘yung pang-araw-araw na dinadaanan ng ating mga kababayan para makapunta sa trabaho at para makauwi,” ayon sa Pangulo.
Siniguro ng Pangulo na ang bagong footbridge ay maayos na mamamantini upang matiyak ang mas ligtas at mas maginhawang paggamit ng publiko.
Kasama ng Pangulo sa pag- inspeksyon si First Lady Louise Araneta-Marcos at kanilang anak na si William Vincent. | PND
