Groundbreaking ng Manila DRRMO Flood Monitoring Command Center, Pinangunahan nina Mayor Isko, VM Atienza

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang groundbreaking ceremony ng apat na palapag na Manila DRRMO Flood Monitoring Command Center sa bukana ng Manila North Cemetery (MNC) sa Sta. Cruz, Maynila.

Ang aktibidad ay pinangasiwaan nina MNC Director Daniel Dandan Tan at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles. Ang proyekto ay itinuturing na makabuluhan para sa kapakinabangan ng mga Manileño, lalo na’t ang unang dalawang palapag ng gusali ay ilalaan sa isang chapel na may Priest Office, mortuary, viewing room, at marangal na burulan para sa mga maralitang Manileño.

Ayon kay Director Tan, nahahabag si Mayor Isko tuwing may nakikitang Batang Maynila na nakaburol sa tabing-kalsada. Batid din aniya ng alkalde na isa ito sa matagal nang suliranin ng mga barangay—ang kakulangan sa maayos na lugar para sa burol ng kanilang mga nasasakupan—kaya minarapat ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagtatayo ng nasabing pasilidad.

Sa ikatlo at ikaapat na palapag naman ay ilalagay ang mga pasilidad ng MDRRMO, kabilang ang Training Room, Conference Room, Flood Monitoring Area, Personnel Quarters, at isang 24-hour Command Center.

Napag-alaman ding magkakaroon ng helipad sa roof deck ng gusali para sa planong rescue chopper ng Manila LGU.

Sa kanyang maikling pahayag, idinetalye ni Moreno ang kahalagahan ng proyekto, na aniya’y kauna-unahang de-kalidad na burulan na itinatayo ng lokal na pamahalaan.

Kabilang din sa mga plano ang pagkakaroon ng E-Burol, na kahalintulad ng serbisyong iniaalok ng ilang pribadong punerarya sa mga kilalang burulan sa bansa.

Idinagdag ni Director Tan na pangunahing adhikain ni Mayor Isko ang pagbibigay ng respeto at dangal sa mga yumao sa pamamagitan ng maayos na burol at libing—isang prayoridad ng Pamahalaang Lungsod sa Manila North Cemetery.

“Sa mga darating na panahon, wala nang maralitang Manileño ang ibuburol sa tabing-kalsada dahil may marangal at maayos nang chapel at burulan ang lokal na pamahalaan na pinamumunuan ni Yorme Isko!” pagtatapos na pahayag ni Director Tan. (BONG SON)

Verified by MonsterInsights