UNCLOS at Arbitral Ruling, Nagpapatibay sa Karapatan ng Pilipinas sa WPS

Muling umigting ang diskurso sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng palitan ng pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Chinese Embassy kaugnay ng isang insidenteng kinasangkutan ng umano’y pagtulong ng Chinese Navy sa isang Pilipinong mangingisda.

Sa isang kolum, inilahad ni Charlie V. Manalo ang mga posisyong umaayon sa naratibo ng China, kabilang ang pananaw na ang terminong West Philippine Sea ay wala umanong legal na batayan; na ang exclusive economic zone (EEZ) ay bukas sa sinumang nais pumasok; na hindi dapat kwestiyunin ang aksyon ng Chinese Navy dahil sa obligasyong tumulong; at na hindi umano ganap na binding ang 2016 arbitral ruling. Ipinahayag din na pinalala ng administrasyong Aquino III ang sitwasyon sa pagdadala ng usapin sa arbitrasyon.

Ayon sa mga eksperto, ang mga pahayag na ito ay nangangailangan ng malinaw at agarang paglilinaw batay sa umiiral na international law.

Totoong ang paggamit ng terminong West Philippine Sea ay itinakda ng Administrative Order No. 29 noong 2012. Gayunman, nilinaw na hindi rito nagmumula ang karapatan ng Pilipinas sa nasabing karagatan.

“Ang pangalan ay administratibo,” paliwanag ni Dr. Jose Antonio Goitia. “Ang karapatan ay nagmumula sa batas.”

Aniya, ang tunay na batayan ng karapatan ng Pilipinas ay ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), isang may-bisang kasunduang nilagdaan kapwa ng Pilipinas at China. Ang administrative order ay opisyal na pagtukoy lamang ng pangalan at hindi lumilikha ng soberanya o maritime rights.

Tahasan umanong itinatakda ng UNCLOS ang saklaw ng EEZ bilang 200 nautical miles mula sa baselines ng coastal state. Nilinaw rin ng 2016 Arbitral Award na ang Recto Bank at ilang maritime feature na mas malapit sa Palawan ay nasa loob ng EEZ ng Pilipinas.

“Hindi malabo ang hangganan,” diin ni Goitia. “Malinaw ito sa batas.”

Bagaman hindi soberanong teritoryo ang EEZ, binigyang-diin na hindi ito nangangahulugang walang karapatan ang coastal state.

Sa ilalim ng UNCLOS, ang Pilipinas ay may eksklusibong karapatan sa pangingisda, eksplorasyon, pagmimina ng likas-yaman, at pamamahala ng yamang-dagat sa loob ng EEZ. Wala umanong karapatan ang ibang estado na magsagawa ng law-enforcement activities, military intimidation, o resource exploitation sa EEZ ng ibang bansa.

“Ang kalayaan sa paglalayag ay hindi lisensya para sa pamimilit,” wika ng opisyal.

May obligasyon ang mga barko na tumulong sa mga mangingisdang nasa panganib sa dagat. Subalit iginiit na hindi nito binubura ang mas malawak na konteksto ng presensya ng dayuhang puwersa sa lugar.

Sa West Philippine Sea, may dokumentadong padron umano ng militarisasyon at pananakot. Sa ganitong kalagayan, hindi maaaring gamiting palusot ang humanitarian act upang gawing normal o lehitimo ang presensya ng isang dayuhang puwersa sa loob ng EEZ ng ibang estado.

Itinuring ding mali ang pananaw na walang bisa ang arbitral ruling dahil hindi ito inilabas ng isang UN body o dahil hindi lumahok ang China sa proseso.

Ang arbitration ay lehitimong mekanismo sa ilalim ng UNCLOS, at ang hindi paglahok ng isang partido ay hindi nagpapawalang-bisa sa desisyon. Ang bisa nito ay nagmumula sa kasunduan, hindi sa pahintulot ng natalong panig.

Binigyang-diin pa ni Goitia na mahalaga ang diplomasya, ngunit hindi ito maaaring ipalit sa batas. Ang pagtalikod sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award ay nangangahulugan umano ng kusang pagbitaw sa legal na lakas ng Pilipinas.

“Ang diplomasya na walang batas,” ayon kay Goitia, “ay hindi landas ng kapayapaan kundi anyo ng kahinaan.”

Sa huli, iginiit ng opisyal na hindi emosyonal na imbensyon o huwad na patriotismo ang West Philippine Sea, kundi malinaw na bahagi ng EEZ ng Pilipinas na suportado ng UNCLOS at pinagtitibay ng 2016 Arbitral Award.

“Ang tunay na pagmamahal sa bayan,” pagtatapos ni Goitia, “ay ang matatag ngunit mahinahong pagtatanggol sa karapatan ng bansa gamit ang batas.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA.

Verified by MonsterInsights