Walang Puwang ang Pananakot, Hindi Uurong ang Pilipinas sa Soberanya at Katotohanan - Gotia

Mariing kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia ang umano’y tangkang pananakot ng China laban sa mga opisyal ng Pilipinas kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS), iginiit na hindi uurong ang bansa sa pagtatanggol ng soberanya at sa paglalahad ng katotohanan.

Kaugnay ito ng naging palitan ng pahayag nina Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela at ng Chinese Embassy sa Maynila, na ayon kay Goitia ay hindi simpleng sagutan kundi hayagang tangka upang patahimikin ang Pilipinas at subukin ang katatagan nitong ipaglaban ang karapatan sa WPS.

“Makatotohanang ebidensya at hindi propaganda ang inilalahad ng Coast Guard,” ani Goitia. “Hindi nagiging mali ang katotohanan dahil lamang hindi ito kanais-nais sa iba.”

Ayon kay Goitia, ang mga pahayag ni Commodore Tarriela ay nakabatay sa opisyal na mga ulat, larawan, at dokumentasyon ng aktuwal na mga insidente sa dagat. Binigyang-diin niyang hindi ito gawa-gawa o haka-haka, at lalong hindi paninira dahil may kalakip na ebidensya.

Transparency, Patakaran ng Estado

Ipinaliwanag ni Goitia na ang pagsisiwalat ng katotohanan ay hindi personal na aksyon ng isang opisyal, kundi malinaw na polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipaalam sa publiko ang totoong nangyayari.

“Kapag hinihingi ang pananahimik ng isang opisyal,” paliwanag niya, “ang tinatamaan ay ang patakaran ng estado. Ang transparency ay hindi opinyon. Ito ay pagpapakita ng paninindigan ng Pilipinas.”

Giit pa niya, malinaw ang tindig ng PCG na walang ulat na itatago at walang teritoryong isusuko, habang nananatiling nakabatay ang posisyon ng bansa sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.

‘Hindi Diplomasya, Kundi Pananakot’

Ayon kay Goitia, lumampas na umano ang China sa hangganan ng diplomasya matapos ang pahayag ng kanilang Foreign Ministry na dapat tumigil ang mga opisyal ng Pilipinas at Coast Guard sa pagbibigay ng pahayag o “pay the price.”

Aniya, ito ay lantad na pananakot at hindi katanggap-tanggap sa harap ng international community.

“Walang banta, gaano man kalakas o kadalas, ang kayang burahin ang ebidensya o pahinain ang paninindigan ng Pilipinas,” dagdag niya.

Usapin ng Estado at Soberanya

Binigyang-diin ni Goitia na ang isyu ay hindi na personal kundi usapin ng estado. Kaugnay nito, binanggit niya ang panawagan ni Sen. Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tugunan ang agresibong asal ng China alinsunod sa Vienna Convention.

“Estado ang nakikipag-usap sa estado. Hindi dapat tinatakot ang mga lingkod-bayan na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin,” ani Goitia, sabay sabing ito ay usapin ng dignidad at soberanya.

Paninindigan ng Pilipinas

Sa pagtatapos, iginiit ni Goitia na ang soberanya ay ipinagtatanggol sa pamamagitan ng batas at matatag na paninindigan.

“Ang paglalahad ng katotohanan ay hindi paninira. Ito ay disiplina. Ito ay tungkulin. At ito ay hindi hihinto,” aniya.

Pinagtibay naman ng Department of Foreign Affairs ang buong suporta nito sa mga institusyong nagtatanggol sa soberanya, karapatan, at hurisdiksyon ng bansa, kasabay ng pahayag na hindi matitinag ang sambayanang Pilipino sa harap ng pananakot.

“Tumatatag ang republika dahil hindi ito natitinag kapag hinaharap ang katotohanan,” pagtatapos ni Goitia.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA.

Verified by MonsterInsights