MULI na namang nagpalitan ng mga salita sina Senador Panfilo “Ping” Lacson at Senadora Imee Marcos sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng senado patungkol sa flood control project.
Ayon kasi kay Lacson, maituturing niyang isang malaking pambabastos ang ginawa ni Marcos at senador Rodante Marcoleta na maglabas ng minority committee report ukol sa imbestigasyon at idaan ito sa media habang hindi pa tapos ang imbestigasyon ng senado.
Pinaalalahanan din ni Lacson ang dalawang kapwa niya senador na mayroong tamang proseso sa pagbibigay nila ng rekomendasyon batay sa ilalabas at papapirmahan niyang komite report sa mga miyembro ng komite.
Aniya maari naman nilang magrekomenda ng dagdag na lalamanin ng committee report.
Maituturing din ni Lacson na isang basura ang naturang report at hindi niya ito nirerespeto lalo na’t wala naman din itong respeto sa komite.
Tumanggi namang patulan ni Marcos ang salitang respeto lalo na’t kung mayroon mang pinakamalaking bastusan dito , yun ay ang pambabastos sa talino at pang-unawa ng Pilipino.
Iginiit pa ni Marcos na taong bayan ang pinatunguhan ng minority at hindi ang kung sinuman.
“Ang mamamayang Pilipino ay hindi basurahan-kahit paulit-ulit nang tinatakpan at binababoy,” ani Marcos.
Binigyang-diin pa ni Marcos na wala siyang alam sa basurahan at hindi siya ang may basurang pinagtatakpan. (NIÑO ACLAN)
