PAGSALUBONG SA 2026: PASASALAMAT, PAG-ASA AT PANANAGUTAN SA BAGONG YUGTO NG BUHAY

Sa pagsalubong natin sa Bagong Taon, mahalagang huminto sandali upang magnilay at magpasalamat. Ang nagdaang taong 2025 ay puno ng hamon at pagsubok, dala rin nito ang mahahalagang aral, tagumpay—malaki man o maliit—at mga biyayang nagpapatibay sa atin bilang indibidwal, at bilang bahagi ng komunidad.

Dapat nating ipagpasalamat ang bawat araw na binigyan tayo ng pagkakataong bumangon, magmahal, magpatawad, at magpatuloy sa kabila ng mga kabiguan. Pasasalamat din sa pamilya, kaibigan, at mga taong naging sandigan sa oras ng pangangailangan. Higit sa lahat, pasasalamat sa buhay, isang biyayang hindi kailanman dapat ipagsawalang-bahala. Ang mga karanasang ito ang nagsilbing aral upang maging mas matatag at mas handa sa hinaharap.

Habang tinatahak natin ang 2026, kaakibat ng pag-asa ang pananagutan. Pananagutan na maging mas mabuting tao, mas maingat sa ating mga desisyon, at mas responsable sa ating mga salita at kilos. Panahon ito upang harapin ang hinaharap nang may tapang, disiplina, at malasakit; hindi lamang para sa sarili kundi para sa kapwa. Panahon na upang paigtingin ang disiplina, malasakit, at pagtutulungan upang makamit ang mas maayos at mas ligtas na lipunan.

Ang Bagong Taon ay hindi lamang bagong yugto sa kalendaryo, kundi bagong pagkakataon upang magsimula muli. Paanyaya ito na baguhin ang sarili at yakapin ang mas makabuluhang direksyon ng buhay. Nawa’y piliin natin ang kabutihan, pagkakaisa, at pag-asa sa bawat hakbang na ating tatahakin. Isang Masagana, Mapayapa, at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

Verified by MonsterInsights