Malayo pa sa pagtatapos ang imbestigasyon ng pamahalaan sa umano’y mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.
Tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez sa publiko na magpapatuloy ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa mga maanomalyang proyekto sa imprastraktura.
Binigyang-diin ng kalihim na bahagi pa lamang ng mas malawak na kampanya ng pananagutan ang pagkakaditene ng contractor couple na sina Sarah Discaya at Pacifico Discaya sa panahon ng Pasko.
“The flood control investigation does not end on Dec. 25. It’s only been a little over four months,” pahayag ni Gomez, kaugnay ng nagpapatuloy na pagsisiyasat sa umano’y mga iregularidad at hindi maipaliwanag na yaman na iniuugnay sa mag-asawang Discaya at iba pang indibidwal na sangkot sa mga kuwestiyunableng proyekto.
“The Napoles probe took almost a year before people were sent to jail. There will surely be more thrown behind bars in the New Year,” dagdag ng PCO chief, patungkol sa graft convict na si Janet Lim-Napoles.
Matatandaang inakusahan si Napoles na utak sa likod ng pork barrel scam sa loob ng mahigit isang dekada, na umano’y gumamit ng network ng mga pekeng non-government organizations upang ilihis ang pondo ng bayan, kabilang ang tinatayang P10 bilyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas para sa mga ghost project kapalit ng malalaking kickback.
Kaugnay ng mga paghahambing sa mag-asawang Discaya at sa mga personalidad na sangkot sa mga nakaraang iskandalo ng katiwalian, sinabi ni Gomez na mas malaki umano ang lawak ng pinaghihinalaang ill-gotten wealth ng mga Discaya kumpara sa mga naunang kaso.
“Some quarters are calling the Discaya couple as the new Napoles, but their unexplained wealth is ten times over. Both spent Christmas in detention,” ani Gomez.
Inaresto si Sarah Discaya noong Disyembre 18 kaugnay ng isang P96-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental at kasalukuyang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail.
Samantala, nananatiling nakaditene ang kanyang asawa na si Pacifico Discaya sa pasilidad ng Senado matapos siyang ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa umano’y hindi magkakatugmang testimonya. (LB)
