₱143M Smuggled na Sigarilyo, Nasamsam ng PNP; Tangkang Panunuhol, Napigilan
Matatag na Pamumuno, Mabilis na Aksyon
Patunay ng malinaw at matatag na paninindigan ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na kalakalan at katiwalian, ang pagkakasamsam sa humigit-kumulang ₱143 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa ilalim ng pamumuno ni Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., na patuloy na nagbibigay-diin sa disiplina, malinaw na command responsibility, at integridad sa hanay ng kapulisan.
Madaling araw ng Disyembre 17, habang nagsasagawa ng routine anti-carnapping at traffic enforcement operations ang mga operatiba ng HPG RHPU 3, HPG–NCR, HPG–4A, at HPG Special Operations Division sa G. Araneta Avenue, Quezon City, kung saan na naharang ang dalawang trailer truck. Isinagawa ang operasyon ng PNP–Highway Patrol Group sa ilalim ng pamumuno ni HPG Director PBGEN Hansel M. Marantan, katuwang ang Bureau of Customs na pinamumunuan ni BGEN Nolasco Bathan.
Sa isinagawang inspeksyon, napag-alamang hindi rehistrado ang mga sasakyan at may kargang tinatayang 2,000 kahon ng sigarilyong pinaniniwalaang undocumented at smuggled.
Maayos na Koordinasyon, Pinatibay na Kaso
Batay sa paunang imbestigasyon, ang nasabing kargamento umano’y nagmula sa isang coastal area sa Bauan, Batangas, at patungo sana sa Valenzuela City. Dahil sa lawak ng operasyon, agad na nakipag-ugnayan ang HPG sa Bureau of Customs at iba pang kaugnay na ahensya upang masiguro ang maayos na pangangalaga sa ebidensya at mapalakas ang case build-up laban sa mga itinuturong nasa likod ng sindikato.
Tangkang Panunuhol, Agarang Tugon
Mas lalong lumalim ang kaso nang makatanggap ng kumpirmadong impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa tangkang panunuhol kaugnay ng naimpound na mga truck. Bandang alas-3:35 ng hapon ng Disyembre 17, nagsagawa ng entrapment operation ang Regional Highway Patrol Unit 3 sa Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Sa operasyon, umano’y nag-alok ang mga suspek ng ₱5 milyon kapalit ng paborableng aksyon. Tatlong indibidwal ang agad na naaresto at narekober ang marked money. Kinilala ang mga ito bilang Gener Manzanero Gonzales (58), Rogie Aycardo Rueda (40), at Loreto Andal Gertes Jr. (48). Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang mga kaso para sa pagsasampa sa korte.
Tiyak na Paninindigan, Mahigpit na Pagpapatupad
Binigyang-diin ni Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla na hindi papayagan ng pamahalaan ang paggamit ng mga lansangan para sa ilegal na kalakalan at lalong hindi kukunsintihin ang anumang anyo ng panunuhol o panghihimasok sa pagpapatupad ng batas.
Para sa PNP, malinaw ang mensahe sa ilalim ng pamumuno ni Chief Nartatez: ang batas ang susundin, hindi impluwensya. Anumang tangkang sirain ang integridad ng kapulisan ay haharap sa mabilis at buong pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas. (BONG SON)
