
Hinikayat ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na boluntaryo nang bumaba sa kanyang posisyon upang hindi na maulit ang sinapit ng kanyang ama na piwersahang pinaalis sa Malacañang sa pamamagitan ng “people power.”
“Pag di siya bumitaw, I am dead sure, mapapatalsik siya,” ito ang pahayag ni Singson sa kanyang pagdalo sa buwanang MACHRA ‘Balitaan’ ng Manila City Hall Reporters’ Association na ginanap sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila.
Sinabi pa ni Singson na may opsyon pa si Marcos upang magkaroon ng “honorable exit” at sundin ang panawagang magbitiw na siya sa tungkulin.
Nagbabala rin si Singson sa Pangulo na huwag magpatupad ng martial law, dahil lalo lamang aniyang magagalit ang mga tao sa kanya.
Dagdag pa ni Singson, dapat isantabi ang pamumulitika at personal na ambisyon at unahin ang kapakanan ng taumbayan. Nilinaw rin ng dating gobernador na ang kanyang adbokasiya ay para sa mapayapang pagkilos, at hindi siya nananawagan sa militar na mag-withdraw ng kanilang suporta sa administrasyon.
Itinanggi rin ni Singson ang mga ulat na inuugnay siya sa anumang destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos. Aniya, ang tanging ginawa niya ay nagpadala lamang ng pagkain, at hindi rin niya kilala ang mga sinasabing nasa likod ng Setyembre 21 rally.
Samantala, kinuwestiyon ni Singson ang kredibilidad ni Palace spokesman Usec. Claire Castro, na aniya’y dating anti-Marcos, at ipinakita pa niya ang isang video kung saan makikita si Castro na binabatikos si Marcos sa iba’t ibang isyu. (Marisa Son)
