'Walang Basehan ang Paratang’ – Topacio
Alegasyong may kinalaman sa gulo sa rally, tinawag na ‘hinugot sa puwet’

TAHASANG itinanggi ni Atty. Ferdinand Topacio ang pagkakadawit ng kanyang pangalan, pati na ng iba pang opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP), sa kaguluhang nangyari sa malawakang anti-corruption rally noong Setyembre 21 sa Maynila.
Sa isang press conference na ginanap ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinabi ni Topacio na ang mga alegasyon ay “hinugot sa puwet” — isang ekspresyon na ginagamit upang ilarawan ang mga paratang na walang batayan, at malinaw umanong imbento lamang.
“Hindi kami ang may kagagawan ng gulo. Nandoon ako mismo sa rally. Sumama ako sa hanay ng mga estudyante at empleyado para manindigan laban sa katiwalian, hindi para manggulo,” ani Topacio.
Ibinahagi ni Topacio na habang nasa rally, napansin nila ang isang grupo ng mga taong nakasuot ng itim, may takip ang mukha, may dalang bats, at may mga backpack. Kaagad umano silang nagdesisyong umiwas at ipinaalam ito sa kapulisan sa lugar.
“Ayoko pong may masaktan, lalo na’t kasama ko ang anak ko sa rally. Hindi ko siya isasama kung may balak akong manggulo. Ang ginawa namin ay umatras at nag-report sa awtoridad,” dagdag pa niya.
Kasama rin sa nadawit sa isyu si PDP-NCR President at dating Manila City Administrator Bernie Ang. Depensa ni Topacio, imposibleng masangkot si Ang sa karahasan, na isang ‘non-violent’ person.
“Ano naman ang mapapala niya? Na-achieved niya na lahat. He is a successful businessman and is the longest-serving Councilor who served Manila in different capacities where he established a good name based on service record. Bakit nya dudungisan ang pangalan niya para lang sa isang gulo na wala namang patutunguhan,” ani Topacio.
Hinimok rin ng abogado ang mga otoridad na tutukan ang imbestigasyon sa kung sino talaga ang may kagagawan ng gulo, at kung sino ang nagbayad ng piyansa sa mga inarestong suspek.
May ulat din na ilang menor de edad na nadakip ay nawawala o umano’y pinahirapan. Nanawagan si Topacio ng patas na imbestigasyon ukol dito.
Ayon pa sa kanya, may ilang personalidad mula sa kaliwa at mga grupong kilalang konektado sa mga militanteng organisasyon ang mas may direktang kaugnayan sa mga inaresto.
“Mismong mga pulis na ang nagsasabing ang mga rioters ay sinulsulan ng mga makakaliwa, noting how political personalities highly-identified with left-leaning organizations such as Gabriela, Kabataan and Akbayan have openly supported those apprehended and demanded their release,” anang abogado.
Tinawag din niyang isang “atake sa natitirang lehitimong oposisyon” ang pagsangkot sa PDP sa riot.
“Sino ba ang me history ng panggugulo? Sino ang enablers? Sino ang ayaw mag-condemn ng violence na nangyari?,” sabi pa ni Topacio
Bukod kina Topacio at Ang, nadawit din sa isyu sina Atty. Vic Rodriguez at dating Congressman Harry Angping, kahit pa hindi sila kasapi ng PDP.
“Hindi nga po nagkakausap ang mga ‘yan. They do not even see each other eye to eye,” ani Topacio.
Sa huli, sinabi niyang posibleng may pulitikong nasa likod ng isyu, na ginagamit ang sitwasyon para siraan ang PDP at makalapit sa ibang partido.
“Ayaw ko sanang magsalita ng masama, pero parang may nagluluto ng istorya para lang magpasikat sa mga nasa kapangyarihan,” pagtatapos ni Topacio. (MARISA SON)