DOLE AT DSWD, NAGSANIB-PUWERSA PARA TUMULONG SA MGA BIKTIMA NG BAGYO

ITINALAGA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang 113 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program sa bodega ng Department of Social Welfare and Development–National Resource Operations Center (DSWD-NROC) sa Lungsod ng Pasay, upang tumulong sa repacking ng family food packs para sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo, kabilang na ang mga posibleng tinamaan ng Bagyong Opong.

Bahagi ng kooperasyon sa pagitan ng DOLE at DSWD ang nasabing deployment na nagsimula noong Setyembre 9 at tumagal hanggang Setyembre 28, 2025.

Bawat benepisyaryo ng TUPAD ay tatanggap ng arawang sahod na katumbas ng pinakamataas na minimum wage rate sa NCR.

Mahalaga ang papel na ginampanan ng mga TUPAD workers sa pagsigurong makarating ang pagkain at mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Binibigyang-diin ng inisyatibang ito ang pagkakaisa ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan, lalo na ngayong panahon ng kalamidad.

Ang TUPAD ay isang safety net program na nagbibigay ng pansamantalang hanapbuhay mula 10 hanggang 90 araw, depende sa uri ng trabaho. 

Kadalasang nasasangkot ang mga benepisyaryo sa mga proyektong pangkomunidad gaya ng pagsasaayos o paglilinis ng mga pampublikong pasilidad at imprastruktura, pag-aalis ng mga debris, paglilinis ng kanal, pagtatanim ng puno, paghahanda ng punla, at reforestation. (LB)

Verified by MonsterInsights