PISONG NINAKAW SA BAYAN, PANGANIB SA BUHAY NAKASALALAY
Bago mag-react, dapat mong pakaisipin na ito ay isang sugat na walang paghilom at paulit-ulit binubuksan sa bayan.
Sinasampal na tayo ng paulit-ulit at garapalan sa mukha ng tunay na pandarambong sa kaban ng bayan at tila wala itong katapusan. Sa halip na makita ang hustisya sa mga naunang eskandalo, tulad ng pagkawala ng mga “sabungero,” heto’t panibagong usapin ang umuusbong: ang maanomalyang “ghost flood control projects.”
Kinasasangkutan umano ng kontrobersiyang ito ang mag-asawang Discaya, ilang kongresista, at piling mga contractor. Sa likod ng mga proyektong ito, tanging Department of Public Works and Highways (DPWH) lamang ang may lubos na kaalaman kung sino ang mga sangkot. Sa halip na tunay na imprastruktura na makakatulong sa taumbayan, lalo na sa mga palaging binabaha—mga dokumento at papeles lamang ang iniwang ebidensya ng proyektong hindi man lang naipatayo.
Ang sistematikong pandarambong na ito ay hindi lamang simpleng sugat na gumagaling. Ito’y sugat na paulit-ulit binubuksan, tumatagos sa ating mga buto, at dahan-dahang pumapatay sa tiwala ng mamamayan sa pamahalaan. Nakakabahala kung paano tila naging normal na ang katiwalian sa ating bansa, isang kalakarang hinahayaan, at sa ilang pagkakataon, pinoprotektahan pa ng mismong mga nakaupo sa kapangyarihan. Kung ang mga akusasyon ay may batayan, tungkulin ng mga institusyon gaya ng Commission on Audit (COA), Ombudsman, at Kongreso mismo na magsagawa ng masusing pagbusisi at maglatag ng malinaw na ebidensya. Walang puwang ang dahilan na “ganyan na talaga ang sistema.” Kung mananatili ang ganitong kultura, patuloy na lulubog ang ating bayan hindi lang sa baha kundi sa katiwalian.
Ang bayan ay hindi dapat gawing bangko ng iilang makapangyarihan. Ang bawat pisong ninanakaw mula sa pondo ay katumbas ng pagkaantala ng tulong para sa mga nasalanta ng baha, pagkukulang sa pasilidad ng mga ospital, at kawalan ng suporta sa edukasyon ng kabataan. Habang patuloy na nasasangkot ang mga opisyal at negosyante sa ganitong mga usapin, nananatiling kawawa at talunan ang ordinaryong Pilipino.
Dapat nang matuldukan ang ganitong uri ng kultura ng katiwalian. Hindi sapat ang panandaliang ingay at batikos. Kailangan ng mas maigting na transparency, pananagutan, at matibay na sistema ng hustisya na hindi kumikiling kahit sino pa ang nakaupo sa mataas na posisyon.
Sa huli, ang tanong ay hindi na lamang kung may ghost projects, kundi: Hanggang kailan tayo magpapa-ghost sa sariling pondo at kinabukasan ng bayan?