PANGULONG MARCOS, PERSONAL NA NAG-ABOT NG TULONG SA MGA NASUNUGAN SA TONDO

Personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Antonio Villegas High School at General Vicente Lim Elementary School sa Tondo, Maynila upang iparating ang tulong mula sa national government para sa mga residenteng naapektuhan ng matinding sunog sa Barangay 105, Happyland, Tondo kamakailan.
Kasama ng Pangulo sa pagbisita si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, na nagpahayag ng pasasalamat sa pamahalaang nasyonal sa mabilis na pagtugon para sa mga biktima ng sunog.
“Tumungo tayo sa Antonio Villegas High School at General Vicente Lim Elementary School upang samahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang personal na maipaabot ang tulong ng national government para sa ating mga kababayang naapektuhan ng malubhang sunog,” ani Mayor Isko.
Ayon sa kaniya, sa kabila ng lawak ng pangangailangan sa buong bansa, mahalaga ang personal na presensya ng Pangulong Marcos upang ipadama ang malasakit at kalinga sa mga apektadong Batang Maynila.
“Ipinapakita lamang nito na kapag sama-sama ang lokal at pambansang pamahalaan, mas nagiging mabilis, mas epektibo, at mas marami ang natutulungang Pilipino,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Domagoso sa Pangulo para sa agarang pagtugon at karagdagang tulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.
Ang sunog sa Barangay 105, Happyland sa Tondo ay isa sa mga pinakamatitinding insidente sa lungsod sa mga nagdaang linggo, na nag-iwan ng daan-daang pamilya na pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center. (MARISA SON)