Chairman Goitia: “Ang Ehekutibo ay Nakatindig Para sa Katotohanan, Hindi Para sa Ingay ng Pulitika”

Walang paligoy si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia sa pagtatanggol sa Ehekutibo. Aniya, malinaw ang katotohanan: ang mga nagbabatuhan ngayon ng sisi sa Malacañang ay sila ring may mabibigat na kasalanan ng katiwalian at kapabayaan na matagal nang pasan ng taumbayan.

“Ang mga pinapakalat na kwento ay desperadong pagtatakip lamang,” mariing sinabi ni Goitia. “Sa halip na linisin ang kanilang sariling hanay, sila pa ang umaatake sa Executive Secretary at sa Gabinete, umaasang maililihis ang atensyon ng publiko mula sa bulok na sistema sa loob ng kanilang institusyon.”

Sa gitna ng kontrobersiya ay si Executive Secretary Lucas Bersamin, isang taong ang pangalan ay kaakibat ng integridad. Bilang dating Chief Justice ng Korte Suprema, ang kanyang paglilingkod ay laging ginabayan ng batas, katarungan, at pagtatanggol sa mga demokratikong institusyon. Ang siraan laban sa kanya, giit ni Goitia, ay hindi lamang insulto sa kanyang tanggapan kundi sa mga prinsipyong bumubuo sa mabuting pamamahala.

Binigyang-diin ni Goitia ang pinakamahalagang paalala mula sa opisyal na pahayag ng Gabinete: “Linisin muna ninyo ang inyong sariling bakuran.”

Wala raw saysay ang anumang imbestigasyon kung mismong mga mambabatas ay ayaw harapin ang katiwaliang matagal nang umaagnas sa kanilang kapulungan.

“Paano sila makapaghahanap ng pananagutan sa iba kung sila mismo ay hindi pa sumasagot sa kanilang pagtataksil sa tiwala ng taumbayan?” tanong ni Goitia.

Dagdag pa ni Goitia, hindi dapat hayaang mailihis ang atensyon ng publiko sa mas malawak na bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isang mithiin na nakaugat sa transparency at mabuting pamamahala.

“Ang panawagan ni PBBM ay simple: tapat na pamumuno para sa sambayanang Pilipino. Iyan ang isinusulong ng Executive Branch. Ang mga nagnanais na sirain ito ay hindi lamang humahadlang sa Pangulo—sila ay nagtataksil sa bayan.”

Para kay Chairman Goitia, higit pa ito sa mga personalidad o partido pulitikal. Ito ay laban para protektahan ang integridad ng pamahalaan laban sa mapanirang laro ng mga kapit-tuko sa kapangyarihan.

“Ang sambayanang Pilipino ay nararapat sa mga pinunong nakatindig para sa katotohanan, hindi para sa ingay ng pulitika,” giit niya.

At sa laban na ito, pinagtitibay ni Goitia na ang Executive Secretary at ang Gabinete ay nananalig at lumalaban para sa katarungan, integridad, at para sa sambayanang Pilipino.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (MARISA SON)

Verified by MonsterInsights