Kung kumplikado ang relasyon, wag i-post sa social media - PAOCC Dir. Gilbert Cruz

KUNG kayo ay nasa isang shaky o “it’s complicated” relationship at naghahanap ng bago, wag i-post sa social media.
Ito ang paalala ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Secretary Gilbert Cruz, na may babala na ang mga nagpo-post ng ganitong bagay ay nagiging target ng mga mapagsamantalang indibidwal na nauugnay sa mga dating o love scams.
Sa kanyang pagsasalita sa buwanang MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinabi ni Cruz na ang mga nagpo-post ng kanilang kumplikadong relasyon o nagpapahiwatig na sila ay naghahanap ng isang romantikong relasyon ay madalas na siyang nagiging biktima ng mga love scammers.
Kaugnay pa nito, nagpaalala rin ang Direktor na tingnan kung may red flags, tulad halimbawa kung ang naghahanap o napipisil na prospect ay sobrang guwapo o sobrang ganda o too good to be true.
Binigyang diin ni Cruz na ang mga scammers na ito ay madalas na gumagamit ng litrato o pagkakakilanlan na hindi naman talaga sa kanila at nagpapanggap na may kaparehong interes ng tulad sa bibiktimahin ng scammer. Ito ay para lalong mawili ang kanilang bibiktimahin para mas lalong makapag-established ng relasyon.
Ayon pa kay Cruz, base sa kanilang investigation, ang mga scammers ay gumagamit din ng psychology at folderized profiles ng mga magiging biktima nila.
Base pa rin sa profiling, sinabi ni Cruz na madalas na nagiging target ng love scammers ay mga social media account holders na retired, pensioners, 35 years old and above. (MARISA SON)