BOC, DA, at SBMA, Naharang ang mga Smuggled na Agricultural Products sa Port of Subic

Usapang Adwana ni: DEXTER GATOC

Alinsunod sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa smuggling sa mga Agricultural Goods at protektahan ang interes ng mga lokal na magsasaka, nagsagawa ng pinagsamang inspeksyon ang Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Port of Subic nitong Hulyo 8, 2025.

Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang mga maling deklaradong produktong agrikultural sa sampung (10) 40-foot na container. Ang mga kargamentong ito, na unang idineklara bilang “Chicken Lollipops” o “Chicken Poppers,” ay natuklasang naglalaman pala ng mga produktong agrikultural tulad ng karot, puting sibuyas, at frozen na mackerel na malinaw na may paglabag Sa Customs Modernization and Tariff Act.

Umabot sa 52 container ang hinarang ng BOC para sa masusing inspeksyon, at matapos nga ang masusing pagsusuri at clearance mula sa DA, 21 container ang naireleased. Gayunpaman, nananatili pa rin sa kustodiya ng customs ang 31 container, kabilang ang 10 container na tinatayang naglalaman ng produktong agrikultural na may halagang humigit-kumulang PHP 100 milyon.

Pinangunahan ang inspeksyon nina BOC Port of Subic District Collector Noel C. Estanislao, DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., at SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño, Deputy Collector for Assessment Andrew Calixihan.

Kumpirmado ng mga awtoridad na ang mga kargamento ay mali ang deklarasyon, at isang malinaw na tangkang pag-iwas sa mga regulasyon ng Customs.

Ang sinadyang maling deklarasyong ito ay hindi lamang banta sa kaligtasan ng publiko at seguridad sa pagkain, kundi nagbigay rin ng matinding panganib sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng pagbaha ng ilegal na imported na produkto sa merkado.

Bilang tugon sa mga paglabag na ito, maglalabas ang Port of Subic ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga kargamento dahil sa mga posibleng paglabag sa Section 19 ng DA Circular No. 4, s. 2016; Sections 7(c) at 7(e) ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act; Section 1400, at Section 1113(f) at (l)(3), (4), at (5) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA); at Section 61(d) ng Republic Act (RA) No. 8550, na inamyendahan ng RA 10654, at Fisheries Administrative Order 195 s. 1999.

Muling pinagtibay ni District Collector Estanislao ang dedikasyon ng Port of Subic sa mahigpit na pagpapatupad ng batas customs.

“Hindi natin palalampasin ang anumang uri ng smuggling na sumisira sa ating sektor ng agrikultura at naglalagay sa peligro ang ating mga mamimili. Naninindigan ang Port of Subic sa pagpapatupad ng batas at sa pagbabantay sa ating mga border,” aniya.

Ang operasyong ito ay bahagi ng pagsuporta sa mga hakbangin ni Pangulong Marcos Jr. upang palakasin ang seguridad sa pagkain at labanan ang agricultural smuggling. Kaya naman muling pinagtibay ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pangako ng BOC na protektahan ang mga lokal na magsasaka at mamimili mula sa masasamang epekto ng smuggling at mapanlinlang na gawain.

Patuloy na mino-monitor ng BOC ang natitirang mga container, habang nagpapatuloy ang karagdagang mga pagsusuri.

Samantala tiniyak ng Bureau of Customs sa publiko na ipatutupad nito nang mahigpit at patas ang mga regulasyong customs, at pananagutin ang sinumang lalabag sa batas.

Inatasan din ni Customs Commissioner Nepomuceno ang mga kaukulang tanggapan ng BOC na tukuyin at isampa ang nararapat na kaso laban sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na aktibidad na ito. Buo ang paninindigan ng Bureau sa kanilang layunin na tiyakin na ang mga lumalabag ay makakatanggap ng buong bigat ng batas.

Congratulation Collector Sandra Lumontad, ang Bagong District Collector ng Port of NAIA

Maligayang pagbabalik sa BOC kay Collector Sandra Lumontad na itinalaga bilang bagong District Collector Ng Port of NAIA. Pinalitan nya si Atty. Yazmin Mapa.

Para sa kaalaman ng lahat, beterano na rin sa BOC itong si Collector Lumontad. Na-assigned na ito sa iba’t-ibang division sa Customs, mula Import Assessment Service, Formal Entry Division, Port of Manila, Manila International Container Port, District Collector ng Port of Clark at Cagayan de Oro at ang pinaka sariwa nga ay ang pagkakatalaga ni Pangulong Bong Bong Marcos bilang bagong District Collector ng Port of NAIA.


Congratulations and good luck Collector!

Verified by MonsterInsights