BOC- Port of Clark naharang ang pagpasok sa bansa ng ₱7.56M halaga na Shabu na itinago sa mga household items
USAPANG ADUANA by: Dexter Gatoc

Muling pinatunayan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark, sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Jairus Reyes ang kanilang dedikasyon sa pangganap ng kanilang tungkilin, matapos mapigilan ang tangkang pagpupuslit ng ipinagbabawal na droga papasok sa bansa.
Nasamsam ang may kabuuang 1,112 gramo ng Methamphetamine Hydrochloride, mas kilala bilang “Shabu,” na may tinatayang halagang ₱7,561,600.00, na dumating noong Mayo 6, 2025 mula sa Kuala Lumpur, Malaysia at nakatakdang ipadala sa Bacoor, Lungsod ng Cavite.

Sa pamamagitan ng pinaigting na X-ray scanning ng mga operatiba ng X-ray Inspection Project (XIP) sa pangunguna ng kanilang Field Officer na si Hope Nicomedes, nakita ang kahina hinalang imahe dahilan upang masusing siyasatin ito ng mga opisyal ng Port of Clark. Natagpuan sa loob nito ang iba’t ibang uri ng panloob na kasuotan, mga tea bag, isang vacuum cleaner, at isang rice cooker.
Sa mas malalim na pag-iinspeksyon, natagpuan sa loob ng vacuum cleaner ang labing-apat (14) na tape-sealed na transparent plastic bags na nakabalot sa brown packaging tape, na naglalaman ng puting kristal na substansiyang pinaniniwalaang Shabu, na tumitimbang ng humigit-kumulang 538 gramo, na may tinatayang halagang ₱3,658,400.00.

Samantala, sa loob naman ng rice cooker ay natagpuan ang labindalawa (12) pang tape-sealed na transparent plastic bags, na naglalaman din ng puting kristal na substansiyang pinaniniwalaang Shabu, na tumitimbang ng humigit-kumulang 574 gramo, at may tinatayang halagang ₱3,903,200.00.
Kinumpirma ng isinagawang pagsusuri sa laboratoryo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang mga isinumiteng sample ay naglalaman ng Methamphetamine Hydrochloride, isang substansiyang kinikilala bilang mapanganib na droga sa ilalim ng binagong probisyon ng Republic Act No. 9165.

Ang operasyong ito ay naging matagumpay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng BOC at PDEA-Airport Interdiction Unit, at nagpapakita hindi lamang pagiging alerto ng ahensya sa operasyon, kundi tugma rin sa pinaigting na mga hakbang sa seguridad sa hangganan na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagtataguyod ng whole-of-government approach sa paglaban sa ilegal na droga at transnasyonal na krimen.
Samantala, pinuri ni Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes ang dedikasyon ng mga tauhan ng BOC-Port of Clark at mga katuwang na ahensya.
Sa kanyang opisyal na pahayag sinabi niya na ang matagumpay na resulta ng operasyon ay nagsisilbing malinaw na babala sa mga nagbabalak na gamitin ang ating mga hangganan sa pagpupuslit ng ilegal na droga.
Binigyang-diin naman ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio na ang tungkulin ng ahensya ay hindi lamang nakasentro sa pagkolekta ng buwis at pagpapabilis ng kalakalan.
Ang Customs aniya ay isa sa mga pangunahing ahensya na nagpoprotekta sa kapakanan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpigil sa pagpasok ng mapanganib na droga.
XxxxxxxxxxxxxxX
Binabati ko pala ang masipag at magaling na Hepe ng Aircraft Operation Division ng Port of Clark na si Collector Jason Pagala. Bitbit ang kanyang extensive management experience sa private sector ay napasok sa Philippine Drug Enforcement Agency at sa kalaunan ay sa Bureau of Customs bilang isang Customs Operation Officer I Sa Port of NAIA taong 2018 at pagkatapos ng dalawang taong ay napromote naman siya bilang Customs Operation Officer III. Naging acting Customs Operation Officer V taong 2021 sa FedEx Port of Clark, taong 2023 naging Hepe ng FedEx Composite Unit-Port of Clark.
Dahil sa kanyang kagalingan, dedikasyon, at kasipagan bilang isang public servant, siya ay na-promote bilang Customs Collector I sa Sub-Port of Sual noong November 2023. At Sa kasalukuyan nga ay siya ang hepe ng Aircraft Operation Division sa Port of Clark.
Tunay ngang nakaka-inspire ang naging karera ni Collector Pagala sa mga gustong pumasok din sa Bureau of Customs at maglingkod sa bayan.
Keep it up Collector Pagala Sir! Mabuhay ka sana dumami pa ang kagaya mo sa Customs….