PAGBABA NG INTEREST RATE SA SSS CALAMITY LOANS IPINAGUTOS NI PBBM
IPINAGUTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbawas o pagbaba ng interest rates sa calamity loan ng Social Security System o SSS upang ibsan ang financial burden at mabawasan ang kahirapan ng mga Filipino.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa ginanap na press briefing noong Biyernes, Mayo 2, ipatutupad na sa Hulyo ngayong taon ang nasabing pagbaba ng interest rates at malinaw aniya ang nais ipaabot ni Pangulong Marcos Jr. na pag-asa para sa mga naghihirap na mga Filipino.
“Napakaganda pong balita niyan (reduce interest rates of calamity loan), ito po ang nais po kasi ng Pangulo, sa programang ito ay magkaroon po talaga ng poverty reduction,” dagdag pa ni Castro.
Binanggit ni Castro ang positibong epekto sa pagpapababa ng SSS loan interest rates sa mga ordinaryong Filipino.
“Kapag po nalaman natin na iyong interest po ay bababa para sa mga kababayan natin na may kasalukuyang utang sa SSS, maganda pong balita iyan, para po kahit po iyong kanilang kinikita o kanilang kaunting savings para maibayad mababawasan iyong kanilang pagbabayad sa kanilang mga utang dahil liliit po ang interest,” aniya.
“Ito po ang nais po kasi ng Pangulo—sa programang ito ay magkaroon po talaga ng poverty reduction,” saad ni Castro.
Binigyang-diin din ng opisyal na direktiba ng pangulo na suriin ang lahat ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards at i-update ang minimum na sahod sa kanilang mga nasasakupan upang sumasalamin sa mga kondisyong pang-ekonomiya ng rehiyon at mga kadahilanan sa gastos sa pamumuhay ay makakatulong sa mga ordinaryong Pilipino.
Sa paggunita ng Araw ng mga Manggagawa nitong Mayo 1, ibinalita ni Pangulong Marcos Jr. ang ilang panukala para mapadali at makatulong sa pang araw-araw paghihirap ng mga ordinaryong Filipino. (LB)