Mga Kabaong sa Metro Manila, Maaaring Simbolo ng Pagkapuno ng Pilipino- Goitia
Nananatiling palaisipan ang mga kabaong na natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila matapos wala pang malinaw na impormasyon kung sino ang nag-iwan sa mga ito at kung ano ang tunay na layunin ng naturang insidente.
Gayunman, kung ang mga kabaong ay sadyang iniwan bilang simbolo ng protesta, maaaring ipinahihiwatig umano nito ang lumalaking pagkadismaya ng ilang Pilipino sa patuloy na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, matagal nang sinusubok ng Tsina ang pasensya ng sambayanang Pilipino dahil sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga mangingisda, Philippine Coast Guard at Philippine Navy, gayundin sa mga usapin hinggil sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“Matagal nang sinusubok ng Tsina ang pasensya ng sambayanang Pilipino,” ani Goitia.
Binigyang-diin niya na sa kabila ng mga tensiyon, pinili pa rin ng Pilipinas ang diplomasya, pagpipigil at paggalang sa pandaigdigang batas.
“Ngunit may hangganan ang pasensya ng bawat bansa. At tila narating na iyon ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Ayon kay Goitia, hindi isang insidente lamang ang dahilan ng lumalalim na pagkadismaya ng publiko kundi ang umano’y sunod-sunod na panggigipit at paghamon sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“Huwag ninyong ipagkamali ang ating pagpipigil sa pagsuko. Walang bansang may dangal ang magtitiis sa walang humpay na pang-aalipusta,” pahayag niya.
Sinabi rin ni Goitia na kung may simbolismong kaugnay ang mga kabaong, maaari itong kumatawan sa pagtatapos ng matagal na pagtitimpi ng ilang Pilipino.
“Ipinahahayag nito ang matagal nang nais sabihin ng maraming Pilipino: tama na ang pangha-harass, tama na ang pananakot, tama na ang kawalang-galang,” aniya.
Samantala, kinuwestiyon din ni Goitia ang paraan ng pag-uulat ng ilang media outlet hinggil sa mga kabaong. Aniya, may karapatan ang publiko na magtanong kung bakit may mga detalyeng maaaring hindi naipakita o nailahad nang buo.
Binigyang-diin niya na tungkulin ng media na ihatid ang impormasyon nang patas at kumpleto upang makabuo ng sariling pananaw ang publiko.
Nilinaw naman ni Goitia na ang kanyang pagtutol ay hindi nakatuon sa mga mamamayang Tsino kundi sa mga patakaran at pagkilos ng pamahalaan ng Tsina na itinuturing niyang paglabag sa soberanya ng Pilipinas at pandaigdigang batas.
“Ang ating pagtutol ay hindi laban sa ordinaryong mamamayan ng Tsina. Ito ay laban sa mga patakaran at pagkilos na lumalabag sa soberanya ng Pilipinas at sa pandaigdigang batas,” ani Goitia.
Hinikayat niya ang pamahalaan at mamamayan na manatiling matatag sa pagtatanggol sa pambansang interes nang hindi isinasantabi ang mga prinsipyo ng demokrasya, batas at katarungan.
“Ang tunay na lakas ng Pilipinas ay wala sa laki ng hukbong sandatahan kundi sa pagkakaisa ng mamamayan, tibay ng paninindigan, at paggalang sa batas at katarungan,” pahayag niya.
Nagbabala rin si Goitia na hindi dapat ipagkamali ng Beijing ang pagpipigil ng Pilipinas bilang kahinaan.
“Ang pasensya ay hindi pagsuko. Ang diplomasya ay hindi pagpapasakop,” aniya.
Sa kabila ng hindi pa pagkakakilanlan sa mga nasa likod ng pag-iwan ng mga kabaong, sinabi ni Goitia na mahalagang pakinggan ang mensaheng maaaring kinakatawan ng mga ito.
“Hindi kami naghahanap ng hidwaan o digmaan. Hinihingi lamang namin ang nararapat sa bawat malaya at nagsasariling bansa—paggalang sa aming soberanya, pagtalima sa pandaigdigang batas, at paggalang sa dignidad ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). (BONG SON)
