Pamunuan ng PNP tiniyak ang masusing imbestigasyon sa pamamaril sa Tacloban
Nagpaabot ng pakikiramay si Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa mga pamilya ng mga biktima ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa.
Kasunod ng insidente, iniutos ni Nartatez ang pagsasagawa ng masusi at komprehensibong imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang sinumang responsable.
Inatasan din niya ang Police Regional Office 8 na tiyaking maayos ang paghawak sa kaso habang pinagtitibay ang koordinasyon sa Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, at mga opisyal ng paaralan upang higit pang mapalakas ang seguridad sa mga pampublikong paaralan.
Lalong naging sentro ng imbestigasyon ang ulat na isa sa mga baril na ginamit sa pamamaril ay isang service firearm na naisyu sa isang miyembro ng Philippine National Police.
Binigyang-diin ni Nartatez na walang sinuman ang ligtas sa pananagutan kung mapatutunayang may paglabag sa batas o sa umiiral na mga patakaran ng PNP.
Ayon sa PNP chief, susundan ng imbestigasyon ang lahat ng ebidensya saanman ito humantong at ang anumang pananagutan ay ibabatay sa mga katotohanan, anuman ang ranggo o posisyon ng mga maaaring masangkot.
Kasabay nito, nag-utos din si Nartatez ng mas pinaigting na police visibility at preventive patrols sa paligid ng mga paaralan bilang bahagi ng mga agarang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.
Binigyang-diin ng PNP na layunin din ng isinasagawang imbestigasyon na matukoy kung kinakailangan ang pagpapalakas ng mga polisiya sa pangangasiwa ng mga service firearm at iba pang hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Nanindigan ang PNP na mananatili itong tapat sa isinusulong nitong adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” sa pamamagitan ng isang patas, transparent, at masusing imbestigasyon sa kaso.
Patuloy namang hinihintay ng publiko ang resulta ng imbestigasyon upang mabigyang hustisya ang mga biktima at matukoy ang buong pananagutan sa nangyaring trahedya. (Bong Son)
