Goitia: Liderato ng Senado ang Lumikha ng Krisis

Iginiit ng isang opisyal na hindi aksidente ang nangyaring kaguluhan sa Senado at naniniwala siyang matagal nang umiinit ang sitwasyon dahil sa umano’y patuloy na pagkanlong kay Senador Ronald dela Rosa upang makaiwas sa pananagutan.

Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, hindi dapat agad isisi sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nangyari dahil para sa kanya, ang tunay na ugat ng krisis ay ang kasalukuyang liderato ng Senado sa ilalim ni Alan Peter Cayetano at ang mga kaalyadong umano’y nagpalala ng tensyon sa loob ng institusyon.

“Hindi nagsimula ang lahat sa putukan,” ani Goitia. “Nagsimula ito noong ginawang kanlungan ang Senado para sa mga gustong umiwas sa pananagutan sa halip na panatilihin itong institusyong gumagalang sa batas.”

Sinabi rin ni Goitia na nakababahala umano ang mabilis na pagsisi ng ilang grupo sa Malacañang kahit hindi pa malinaw ang buong detalye ng insidente, lalo na matapos itanggi ng Pangulo ang anumang partisipasyon ng gobyerno at mag-utos ng agarang imbestigasyon.

“Kalma, transparency, at pag-alam sa katotohanan ang unang naging tugon ng Pangulo,” ani Goitia. “Hindi ganyan kumilos ang lider na gustong magpasiklab ng kaguluhan.”

Ayon pa sa kanya, dapat ding suriin ng publiko kung bakit tila may mga nakahanda nang naratibo habang magulo pa ang sitwasyon sa Senado.

“Hindi mo puwedeng gawing proteksiyon ang Senado para sa isang taong umiiwas sa pananagutan, tapos magtataka kapag lumala ang sitwasyon,” dagdag niya.

Tinuligsa rin ng opisyal ang naging pahayag ni Senadora Imee Marcos hinggil sa umano’y direktang utos ng Pangulo na arestuhin si dela Rosa “at all costs.”

“Delikado ang basta pagbibitaw ng mabibigat na akusasyon nang walang malinaw na ebidensiya,” ani Goitia. “Sa ganitong sitwasyon, puwedeng lalo nitong palalain ang takot at pagkakahati-hati ng publiko.”

Ayon kay Goitia, hindi rin dapat balewalain ang bilis ng paglabas ng mga paratang habang hindi pa humuhupa ang tensyon sa Senado.

“Nagtatanong ngayon ang publiko. May mga nagtatangka bang kontrolin agad ang naratibo para palabasing gobyerno ang kalaban habang may ilang politiko na gustong magmukhang biktima?” aniya.

Sinabi rin niya na posibleng ginagamit umano ang sitwasyon bilang propaganda upang makalikha ng simpatiya at mabigyang-katwiran ang patuloy na pagprotekta kay dela Rosa sa loob ng Senado.

“Hindi ang executive branch ang nagtulak sa Senado sa ganitong kaguluhan. May mga lider sa loob mismo ng institusyon na piniling unahin ang pagprotekta sa kaalyado kaysa panatilihin ang kaayusan at respeto sa batas,” aniya.

Nagbigay rin siya ng pagkilala sa mga mamamahayag at media personnel na patuloy umanong nag-uulat sa gitna ng tensyonadong sitwasyon sa Senado.

“Kapag maingay at magulo ang paligid, ang media ang tumutulong para manatiling malinaw ang katotohanan. Saludo kami sa inyong serbisyo sa bayan,” ani Goitia.

Sa huli, sinabi niyang hindi na basta naniniwala ang publiko sa mga naratibo ng mga pulitiko.

“Hindi bulag ang taumbayan,” aniya. “Nakikita nila kung sino ang nagpapalala ng tensyon at gumagamit sa mga institusyon para sa pansariling interes. Kapag ganito ang pulitika, ang nawawala ay tiwala ng publiko at katatagan ng bansa.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at DemokrasyaPeople’s Alliance for Democracy and ReformsLiga Independencia Pilipinas, at Filipinos Do Not Yield Movement.

Verified by MonsterInsights