Sapat na Suplay ng LPG Tiniyak ng DOE

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa publiko na nananatiling sapat ang suplay ng liquefied petroleum gas (LPG) sa bansa sa kabila ng pagtaas ng presyo nito sa merkado.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Biyernes, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na mayroong humigit-kumulang isang buwang imbentaryo ng LPG ang bansa.

“Hindi pa naman, hindi po,” ani Garin nang tanungin ukol sa posibilidad na maubusan ng LPG stock ang bansa.

“Pero tumaas po iyong presyo, naging mahal talaga siya. Sa tingin ko ang PhP1,100 naging PhP1,500 yata. Sobrang laki ng increase ng LPG, pero mananatili iyon sa loob ng isang buwan. Isang beses lang po sa isang buwan nagbabago ang presyo ng LPG,” dagdag pa niya.

Nanawagan din ang kalihim sa publiko na maging mapagmatyag sa presyo ng LPG at agad iulat sa mga awtoridad ang mga retailer na umano’y nagsasagawa ng araw-araw na pagtaas ng presyo.

Ipinaliwanag ni Garin na naapektuhan ang suplay nang magkaroon ng problema ang mga lokal na supplier bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan, kaya’t napilitan ang mga kumpanya na humanap ng alternatibong mapagkukunan tulad ng China, Hong Kong, Australia, at Estados Unidos.

“So naghanap sila hanggang Australia, US at ngayon po nakakuha na sila, may supply na sila, pero hindi pa ganoon kakomportable iyong bilang,” ani Garin. “Kahit na dapat 15 araw lang iyon, pero ngayon po, nasa 32 araw na sila.”

Dagdag pa ng kalihim, nagtulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay. Kabilang dito ang kasunduan sa pagitan ng Philippine National Oil Company at mga pribadong kumpanya upang magsanib-puwersa sa pagbili ng isang barkong kargado ng LPG.

Sinabi rin ni Garin na kasalukuyan nang tinatapos ang kontrata sa mga bagong supplier upang lalo pang mapalakas ang suplay sa bansa.

“Hindi ko lang alam kung anong bansa ang nakontak para sa kontrata ng PNOC, pero iyon ang gagawin namin sa DOE, bibili kami kasama ang ating mga kumpanya para sa LPG,” ayon kay Garin. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights