Kampanya Laban sa Ilegal na Kalakalan ng Petrolyo, Pinaigting ng PNP

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at epekto nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa ilegal na bentahan ng produktong petrolyo.

Sa pamumuno ni PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief PNP, matagumpay na naisagawa ang isang operasyon noong Abril 7 sa Navotas Fish Port Complex na nagresulta sa pagkakaaresto ng siyam na indibidwal na sangkot sa ilegal na kalakalan ng diesel.

Bunsod ito ng impormasyong natanggap mula sa isang concerned citizen hinggil sa kahina-hinalang distribusyon ng langis sa lugar—isang aktibidad na nagdudulot ng panganib sa mga sasakyang pandagat at kalapit na komunidad. Matapos itong beripikahin, nahuli ang mga suspek habang aktwal na isinasagawa ang ilegal na gawain.

Pinangunahan ang operasyon ng PNP HPG RHPU-NCR bilang lead unit, katuwang ang PNP Maritime Group at Philippine Coast Guard (PCG), sa koordinasyon ng Department of Energy (DOE).

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang malaking bulto ng diesel at iba pang kagamitan. Kabilang dito ang isang puting fuel tanker (plate no. PYV 212) na may 15,000 litro ng diesel, at isang lumang cargo vessel na ginawang imbakan na naglalaman ng karagdagang 50,000 litro. Nasamsam din ang dalawang fuel flexible hose at dalawang Promax RWP pump na ginagamit sa paglilipat ng langis.

Sa kabuuan, umabot sa 65,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng tinatayang ₱9.75 milyon ang nasamsam ng mga awtoridad.

Ipinapakita ng operasyong ito ang pinaigting na aksyon ng PNP laban sa ilegal na bentahan ng langis—isang gawaing hindi lamang lumalabag sa batas kundi nagdudulot din ng panganib sa kaligtasan at kapaligiran.

Ayon sa PNP, magpapatuloy ang ganitong mga operasyon lalo na sa panahong sensitibo ang usapin ng suplay at presyo ng langis. Layunin nitong protektahan ang publiko, tiyakin ang patas at legal na distribusyon, at pigilan ang mga mapanganib na gawain—isang malinaw na patunay ng adbokasiya ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman. (BONG SON)

Verified by MonsterInsights