Nagkaisa ang Presidential Communications Office (PCO) at ang siyam na pangunahing pahayagan sa bansa upang labanan ang paglaganap ng “fake news” at disinformation sa digital at social media platforms at maprotektahan ang publiko laban sa masasamang epekto nito.
Nilagdaan ng PCO at ng mga broadsheet ang isang Memorandum of Understanding (MOU) bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya kontra maling impormasyon, na tinawag na Oplan Kontra Fake News. Layunin ng kasunduan na palakasin ang kooperasyon upang itaguyod ang transparency, media literacy, fact-based reporting, at responsableng pagbabahagi ng impormasyon.
Pinangunahan ni PCO Secretary Dave M. Gomez ang paglagda ng kasunduan kasama ang mga kinatawan ng Business Mirror, Business World, Daily Tribune, Malaya Business Insight, Manila Bulletin, Manila Standard, Philippine Daily Inquirer, The Manila Times, at The Philippine Star.
Sa ilalim ng MOU, tiniyak ng mga lumagda ang kanilang pangako sa tumpak, beripikado, at responsableng pag-uulat, kasabay ng buong paggalang sa press freedom at editorial independence. Binigyang-diin din sa kasunduan na ang kalayaan sa pamamahayag, na ginagarantiyahan ng 1987 Philippine Constitution, ay nananatiling pundasyon ng demokratikong pamamahala.
Ayon sa kasunduan, timutukoy ang “fake news” sa nilalamang walang batayang katotohanan o sadyang mapanlinlang ngunit inihaharap bilang totoo; sinasadyang likhain o ipakalat upang manlinlang; at maaaring magdulot ng malinaw na pinsala sa publiko tulad ng panic, karahasan, pagkasira ng reputasyon, o panghihimasok sa demokratikong proseso.
“Disinformation thrives in darkness — in confusion, in distortion, in deliberate deceit. But truth has always been like daylight. And just as a magnifying glass focuses sunlight to reveal what is hidden, this collaboration concentrates the light of verified information, sharpening clarity and exposing falsehoods. In shining that light, we dispel the shadows where fake news attempts to hide,” ani Gomez.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ng kasunduan ang pagpapalawak ng pagpapalaganap ng beripikadong impormasyon, pagpapatibay ng tiwala ng publiko sa mga mapagkakatiwalaang media institution, pagsusulong ng media at information literacy, at pagpapagana ng koordinado at mabilis na pagtugon sa disinformation lalo na sa panahon ng krisis, emerhensiya, at sakuna.
Sa bisa ng MOU, magbubukas ang PCO at ang mga katuwang nitong pahayagan ng malinaw na komunikasyon para sa beripikasyon ng mga kumakalat na impormasyon sa social media at mag-iingat upang mapigilan ang pagkalat ng mga gawa-gawang nilalaman.
Itinatag din ng PCO ang isang Anti-Fake News Desk, na magsisilbing mekanismo kung saan maaaring mag-ulat ang media partners at publiko ng mga kahina-hinala o mapanlinlang na content, kung saan agarang susuriin ang mga ulat at ire-refer sa mga kaukulang ahensya tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Justice (DOJ) para sa nararapat na aksyon.
Bukod sa monitoring, sinabi ng PCO na hahabulin din nito ang mga sadyang nagpapakalat ng fake news at disinformation sa social media platforms. Makikipag-ugnayan din ang tanggapan sa mga digital platforms tulad ng Meta at Google upang tugunan ang mga koordinadong disinformation campaign at isulong ang pananagutan sa digital space.
Nilagdaan ang kasunduan ng mga kinatawan ng kani-kanilang publikasyon, kabilang ang mga publisher, editor, at chief executive officer ng siyam na pahayagan. (LB)
