PNP Chief General Nartatez Nanumpa na sa Tungkulin

Nanumpa na si General Jose Melencio C. Nartatez Jr. bilang ganap na Philippine National Police (PNP) Chief, sa isang pormal na seremonya na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañan Palace nitong Miyerkules. (Photo Credit: PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Miyerkules ang panunumpa ni General Jose Melencio C. Nartatez Jr. bilang full-fledged na Philippine National Police (PNP) Chief sa isang pormal na seremonya na ginanap sa Malacañan Palace.

Binati ni Pangulong Marcos si Nartatez sa kanyang pagkatalaga bilang PNP Chief at nagpahayag ng suporta sa kanyang pagharap sa mga responsibilidad at hamon sa ilalim ng kanyang opisina.

“Nagpaabot ng pagbati at suporta ang Pangulo kay General Nartatez para sa kanyang husay sa pamumuno sa hanay ng pulisya,” sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

Ayon kay Castro, kinilala rin ng Pangulo ang mahalagang papel na ginagampanan ng PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa bansa.

Dati nang nagsilbi si Nartatez sa iba’t ibang posisyon sa pamumuno kabilang ang pagiging PNP Deputy Chief for Administration noong 2024-2025; National Capital Region Police Office Director noong 2023-2024; Regional Director of Police Regional Office IV-A Calabarzon noong 2022-2023; at Ilocos Norte Police Provincial Office Director noong 2016-2018.

Humawak ang bagong PNP Chief ng mga mahahalagang posisyon sa PNP mula noong siya ay nagsimula noong 1992, kabilang ang pagiging Director for Comptrollership and Intelligence; miyembro ng elite PNP Special Action Force; at miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group.

Noong 2006, na-promote si Nartatez sa ranggong Police Lieutenant Colonel bilang pagkilala sa kanyang natatanging serbisyo.

Si Nartatez ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Tanglaw-Diwa Class 1992.

Mayroon din siyang Master’s Degree sa Public Administration mula sa Polytechnic University of the Philippines. 

Verified by MonsterInsights