Mga Alegasyon Laban sa Marcoses, Mariing Pinasinungalingan ni Goitia
Mariing itinanggi ni Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia ang kumakalat online na mga paratang laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, na kanyang tinawag na huwad, mapanira, at walang anumang batayan.
Ayon kay Goitia, ang mga alegasyong may kinalaman umano sa droga, sekswal na gawain, at diumano’y mga “sensitibong” larawan—kabilang ang mga inedit o pekeng materyal na maling iniuugnay sa Unang Ginang, ay walang sinusuportahang ebidensya.
Wala umanong naipakitang dokumento, forensic findings, sinumpaang salaysay, o kasong inihain sa alinmang awtoridad. Sa halip, aniya, ang pinanggagalingan lamang ng mga paratang ay isang panayam na paulit-ulit na ikinalat sa social media.
“Kailangang malinaw ito,” ani Goitia. “Ang tunay na kritisismo ay nakabatay sa katotohanan. Ang nangyari rito ay mga paratang na walang ebidensya, na pinalaki sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapakalat.”
Giit niya, hindi ito maituturing na lehitimong kritisismo kundi isang anyo ng paninirang-puri.
Lumabas sa kanyang pahayag na ang mga alegasyon ay ipinakalat sa pamamagitan ng isang online na panayam na isinagawa ng isang vlogger. Ayon kay Goitia, kapansin-pansin sa naturang panayam ang kawalan ng masusing pagtatanong, beripikasyon, at pananagutan, dahilan upang mabilis na kumalat ang mga pahayag na hindi nasuri.
“Ang panayam ay hindi pahintulot para maglabas ng paratang na walang patunay,” diin niya, sabay sabing hindi nagbibigay ng kredibilidad ang pormat ng panayam kung wala namang awtentikasyon at wastong pagsusuri.
Tinukoy rin ni Goitia na hindi nagkataon ang pagtutok ng mga paratang sa diumano’y sekswal na asal at pribadong buhay ng Unang Ginang. Aniya, isa itong kilalang taktika kapag walang maipakitang kongkretong ebidensya laban sa pamamahala, ang sirain ang dangal at personal na buhay.
“Ito ay isang malinaw na gender attack,” ani Goitia. “Umaasa ito sa hiya at pahapyaw na paratang dahil alam nilang mas mahirap itong ituwid, kahit mapatunayang mali,” dagdag niya.
Binigyang-diin din niya ang hangganan ng malayang pananalita. Bagama’t bukas sa pagsusuri ang mga opisyal ng gobyerno, hindi umano saklaw ng freedom of expression ang pag-iimbento ng krimen at imoral na gawain, lalo na kung ipinakalat ito online nang walang sapat na batayan.
“Ang malayang pananalita ay may hangganan,” ani Goitia. “Hindi ito lisensya para manira ng pangalan, at malinaw na nalampasan na ang linyang ito.”
Babala pa niya, ang patuloy na pagpapakalat at pag-share ng ganitong mga paratang ay maaaring magbunga ng pananagutang kriminal at sibil sa ilalim ng mga umiiral na batas sa libel at cyber libel, anuman ang tawag dito bilang “opinyon” o “panayam.”
Sa huli, iginiit ni Goitia na ang seryosong akusasyon ay nangangailangan ng seryosong ebidensya. Kung wala nito, aniya, ang nararapat na hakbang ay ang agarang pagtigil sa pagpapakalat.
“Ito ay hindi usapin ng pagpigil sa malayang pagpapahayag,” pagtatapos ni Goitia. “Ito ay usapin ng katotohanan, pananagutan, at ng mga pamantayang nagpapanatili ng tiwala sa ating lipunan.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA.
