Makabayang grupo, naglunsad ng lightning rally sa harap ng Embahada ng Tsina

Nagsagawa ng lightning rally ang iba’t ibang makabayang grupo sa harap ng Embahada ng Tsina nitong Disyembre 16, 2025 upang tutulan ang umano’y paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard laban sa mga mangingisdang Pilipino sa paligid ng Escoda Shoal sa West Philippine Sea.

Pinangunahan ng FDNY Movement, ALAB, at Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) ang protesta. Ayon sa mga organisador, layon ng pagkilos na ipanawagan ang pananagutan sa insidenteng sinasabing nagbanta sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.

Sa naturang rally, nagsagawa ang mga demonstrador ng iba’t ibang simbolikong pagkilos, kabilang ang pagwasak sa effigy ng barko ng Chinese Coast Guard, pagpunit ng kartong bandila ng Tsina, at isang die-in protest. Ipinakita ng mga aktibidad ang panganib na kinahaharap ng mga mangingisda sa patuloy na tensyon sa lugar.

Iginiit ng mga grupo na ang insidente ay paglabag sa karapatang pantao at sa internasyonal na batas pandagat. Binigyang-diin din nila na ang Escoda Shoal ay matatagpuan sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, batay sa mga umiiral na pandaigdigang kasunduan.

Nanawagan ang mga nagprotesta sa pamahalaan ng Pilipinas na magsagawa ng mas matibay na hakbang upang ipagtanggol ang soberanya ng bansa at tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino. Hinimok din nila ang pandaigdigang komunidad na makialam at manindigan laban sa umano’y agresibong aksyon sa West Philippine Sea. (BONG SON)

Verified by MonsterInsights