Pag-atake sa Escoda Shoal, Maaaring Ituring na “Deklarasyon ng Digmaan”

HINDI maaaring ituring na karaniwang insidente sa West Philippine Sea, ang pagkasugat ng tatlong mangingisdang Pilipino at pagkasira ng dalawang bangkang pangisda sa Escoda Shoal.

Ito ang mariing sabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, matapos ang hayagang pananakit at sinadyang karahasan laban sa mga Pilipinong legal at payapang naghahanapbuhay sa sarili nilang karagatan.

Aniya, hindi armado ang mga mangingisda at wala silang nilalabag na batas. Maliit ang kanilang mga bangka, at malinaw ang kanilang pakay na mangisda upang may maipakain sa pamilya. Gayunman, hinarap sila ng high-pressure water cannons at mapanganib na maniobra ng mga sasakyang pandagat ng Tsina.

Hindi umano ito aksidente kundi isang planadong hakbang upang manakot, manakit, at itaboy ang mga Pilipino mula sa sarili nilang karagatan.

Para kay Goitia, walang dapat pagtakpan sa nangyari.

“Kapag sinasadya ang pananakit sa mga sibilyan na nasa sarili nilang teritoryo, hindi na ito maaaring tawaging harassment,” ani Goitia. “Ito ay hayagan at sinadyang agresyon,” aniya.

Diin niya, walang legal o moral na katwiran ang pananakit sa mga mangingisdang walang nilalabag na batas at tanging kabuhayan ang ipinagtatanggol.

Sa nabanggit na insidente ay agad aniyang rumesponde ang Philippine Coast Guard, kung saan isinugod ang mga sugatan, nagbigay ng agarang lunas, at tiniyak ang ligtas na pag-uwi ng mga mangingisda sa kabila ng patuloy na panghaharang.

“Nariyan ang ating mga pwersa upang ipakita na hindi iniiwan ng pamahalaan ang sarili nitong mamamayan,” ani Goitia. “Ang pagprotekta sa mga sibilyan ay hindi opsyon o pakiusap. Ito ay isang malinaw at di-matatawarang tungkulin ng estado,” dagdag niya.

Muling iginiit ng Tsina ang mga claim na matagal nang ibinasura ng international law. Ayon sa 2016 arbitral ruling, malinaw na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Escoda Shoal.

“Ibig sabihin, may karapatan ang ating mga mangingisda. Malinaw kung sino ang lumabag,” ani Goitia.

“Kapag sinaktan ang mangingisdang Pilipino, hindi lang bangka ang pinipinsala. Direktang tinatamaan ang pamilya, winawasak ang kabuhayan, at nilalapastangan ang dignidad ng sambayanan,” ayon pa sa opisyal.

Dagdag niya, may saysay lamang ang soberanya kung aktibong ipinagtatanggol ang mga Pilipinong araw-araw na umaasa sa karagatang kanilang pinaghuhugutan ng buhay.

Hindi umano ordinaryong balita ang Escoda Shoal, dahil isa itong direktang hamon sa dignidad at karapatan ng sambayanang Pilipino.

“Ang West Philippine Sea ay hindi ideya o usapin lamang,” ani Goitia. “Ito ay lugar kung saan nagtatrabaho, nabubuhay, at umaasa ang mga Pilipino,” ayon kay Goitia.

Sa dulo, malinaw aniya ang isyu at hindi lang ito guhit sa mapa. Tungkol umano ito sa mga Pilipino, sa kanilang dangal, at sa isang bansang handang ipagtanggol ang mamamayan at ang kanilang lehitimong karapatan.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement— na nagtataguyod ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino.

Verified by MonsterInsights