Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng mas pinatibay na targeted funding at koordinasyon laban sa stunting o pagkabansot, lalo na sa mga lugar na may pinakamataas na kaso nito.
Babala niya, panghabambuhay ang epekto ng stunting kung mananatiling hiwa-hiwalay ang mga programa ng pamahalaan.
“Hindi natin pinopropose [na maglagay ng] wild amounts kung ‘di natin sure [kung saan gagamitin.] Pero sa mga lugar na ito, I’d like to propose y’ung hindi napondohan sa DOH na P2.4B ay lagyan ng amount because of certain doubts of the effectivity of the DOH doing it alone,” ani Cayetano sa period of amendments ng General Appropriations Bill noong December 2, 2025.
Ang tinutukoy niyang P2.4 bilyon ay orihinal na nakalaan sa National Nutrition Council ngunit hindi naaprubahan at naipasok lamang bilang second-tier item sa budget ng DOH noong nakaraang taon.
Iginiit ni Cayetano na dapat ituon ang pondo sa mga probinsyang may pinakamataas na stunting prevalence. Tinukoy niya ang limang rehiyon na pinakaapektado, kung saan apat ay may lampas 30% prevalence: BARMM, SOCCSKSARGEN, Zamboanga Peninsula, at MIMAROPA. Ang Davao Region, bagama’t mas mababa sa 30%, ay kabilang pa rin sa mga lugar na may malubhang insidente ng stunting.
“Maganda sa LGSF (Local Government Support Fund) mahigpit y’ung guidelines. Ang maganda naman sa DSWD, kuhang kuha na ni Secretary Rex [Gatchalian ang needed action]… but we should really consider those in danger of stunting being in crisis,” aniya.
Iminungkahi din ni Cayetano ang paghahati ng pondo sa DOH, DSWD, at LGSF upang mapabilis ang implementasyon ng mga programa.
“Let’s say if you put P3 billion, I’d rather [divide it] — P1 billion in Local Government Support Fund (LGSF), P1 billion in DSWD, and P1 billion in DOH,” sabi niya.
“This way, one program continues, but funding flows through different agencies to speed up action,” dagdag niya.
Matagal nang binibigyang-diin ni Cayetano ang seryosong epekto ng stunting sa pagkatuto, produktibidad, at pangmatagalang pag-unlad ng kabataan.
“[There is] prevalence, meaning hindi lang ito potential pero ito talaga ang nangyayari. It’s really higher than 27 percent. That’s one out of four children. Are we willing years from now, y’ung young adults natin, one out of four of them cannot reach their full potential because of this?” aniya.
Sa mga nauna niyang interpellations, hinikayat din niya ang lahat ng ahensya, kabilang ang DepEd, na sundin ang iisang national plan at mag-pilot ng mga intervention sa mga probinsyang pinakatinamaan.
“We need a specific intervention. Choose provinces na higher than 25 percent, y’ung endangered of stunting, and see if mapababa natin ang prevalence,” sabi niya.
Nagbabala rin siya na kung walang mabilis at target na pagtugon, maaaring lumaki ang mga batang “handicapped for life.”
“Sa dami nating ginagawa sa infrastructure, education, health… kung yung perang na-corrupt ay maibalik at hindi pa rin napunta sa anti-stunting, maganda nga ang kalye mo, hindi ka nga binabaha, pero bansot pa rin yung bata,” ayon kay Cayetano. (NINO ACLAN)
