Kusang Pagharap ni Sandro Marcos sa ICI, Patunay ng Tapang at Integridad- Goitia

Humarap si House Majority Leader Sandro Marcos sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa mga alegasyong inilabas ni dating kongresista Zaldy Co hinggil sa umano’y budget insertions. Mariin niyang itinanggi ang paratang at iginiit na walang batayan ang mga ito.

Bagama’t hindi siya itinuturing na akusado at walang subpoena mula sa ICI, pinili ni Marcos na dumalo nang kusa upang direktang sagutin ang usapin at linawin ang kanyang panig.

Ayon sa ICI, ang kusang pagharap ng Majority Leader ay nagpapakita ng malinaw na intensiyon na makipagtulungan sa proseso. Sa pagdinig, nanatili siyang mahinahon at maayos sa pagsagot sa mga tanong, at hiniling ang isang executive session upang matiyak na nakatuon ang talakayan sa mga isyung dapat pag-usapan at hindi sa pulitika.

Sa pahayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, sinabi niyang:
“Ang kusang pagharap ay tunay na pagpapakita ng paggalang sa institusyon. Ang pananagutan ay tungkulin, hindi performance.”

Idinagdag ni Goitia na ang pagtugon ni Marcos sa alegasyon sa tamang forum, sa halip na sa social media, ay pagpapakita umano ng responsableng pamumuno.

“Ang totoong lider, hinaharap ang usapin. Hindi nagtatago sa ingay o palusot,” aniya.

Sa gitna ng pagputok ng isyu, sinabi rin ni Goitia na nanatiling matatag ang Majority Leader sa kabila ng mga patutsada at ingay sa paligid.

“Hindi nasusukat sa ingay ang tapang. Madalas, makikita ito sa tahimik na pagharap na may katapatan at malinis na konsensiya,” giit niya.

Iginiit din ni Goitia na nagbigay ng linaw sa publiko ang naging hakbang ni Marcos.

“Sa gawa nasusukat ang integridad. Hinarap ni Sandro Marcos ang mga tanong nang may dignidad at paggalang sa proseso. Dapat itong pahalagahan.” aniya.

Binanggit pa ng opisyal na ang mga pagpapahalagang ipinakita ng Majority Leader ay sumasalamin sa pagpapalaki sa kanya ng Pangulo at Unang Ginang.

“Pinalaki nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ang kanilang anak na may malinaw na diwa ng tungkulin at paggalang sa serbisyo publiko. Makikita sa ipinakitang composure at dignidad ni Majority Leader Sandro Marcos sa ICI ang mga pagpapahalagang itinanim nila sa kanya. May dahilan silang ipagmalaki ang kanilang anak, at naniniwala akong higit pang lalago ang kanyang kakayahan bilang lider sa mga darating na panahon,” pahayag pa ni Goitia.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

Verified by MonsterInsights