Kuryente at Internet sa mga Paaralan Nakapaloob sa 2026 Budget —Gatchalian

Tiniyak ng isang solon na mapopondohan sa ilalim ng 2026 national budget ang libreng internet at ang pagkakaroon ng kuryente sa mga paaralang wala pang ilaw. 

Sa ilalim ng Senate committee report sa panukalang 2026 national budget, P5 bilyon ang nakalaan sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagpapatupad ng Free Public Internet Access Program.

Nagmungkahi si Senador Win Gatchalian na mag-amyenda sa isang special provision ng 2026 national budget upang matiyak na bibigyang prayoridad ang mga paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd) at mga State Universities and Colleges (SUCs).

May inilaang P1.5 bilyon sa ilalim ng DepEd para magkaroon ng internet connection ang mas marami pang mga paaralan. Sa kasalukuyan, may humigit-kumulang 12,000 na mga paaralan ang nananatiling walang internet. 

Naglaan din ng P3.7 bilyon sa National Electrification Administration (NEA) upang pailawan ang marami pang mga paaralan. Tinatayang may 6,000 pa na mga pampublikong paaralan ang wala pang kuryente.

Ayon kay Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Finance, sapat ang mga pondong ito upang saklawin ang kalahati ng mga paaralang nangangailangan ng tulong pagdating sa kuryente at internet.

“Umaasa tayo na sa loob ng dalawang taon, wala na tayong problema sa kuryente at internet sa ating mga paaralan,” ani Gatchalian. (LB)

Verified by MonsterInsights