PINASIMPLENG PROSESO SA PAGKUHA NG SC DISCOUNTS ISINULONG NI KONSI AIKO

Matapang na isinulong ni QC Councilor Aiko Melendez ang panukalang tuluyang tanggalin ang booklet requirement para sa mga Senior Citizen na kumukuha ng kanilang diskwento at benepisyo.

Sa kanyang facebook post ay ibinalita ni Melendez ang tungkol sa panukalang mas gawing simple na ang pagclaim ng mga benepisyo ng Senior Citizens.

Ayon kay Melendez, may national law na, na nagsasabing hindi na kailangan ang booklet para ma-avail ng mga lolo’t lola ang kanilang Senior Citizen privileges, pero marami pa ring hindi aware.

Mas nakababahala aniya na marami pa ring establisyementong hindi sumusunod.

“Bilang lingkod-bayan, tungkulin nating pagaanin ang proseso, hindi pahirapan, lalo na para sa ating mga nakatatanda na madalas naaabala dahil sa sobrang daming requirements,” giit ng konsehala.

Binigyang-diin din ni Konsehal Aiko na target ng panukala ang pinasimpleng proseso para sa SC discounts, bawas red tape at walang abalang requirements, at mas mabilis, mas accessible na serbisyo para sa mga senior

“Maliit man itong hakbang para sa atin, malaking ginhawa ito para sa ating Senior Citizens—isang konkretong pagpapakita ng Aksyon at Malasakit na nararapat para sa kanila,” dagdag pa ni Melendez. (LB)

 

Verified by MonsterInsights