MMDA SUPORTADO ANG SMOKE, VAPE FREE SA MGA TNVS
NAGPAHAYAG ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng buo nitong suporta sa panawagan para sa 100% na Smoke-Free at Vape-Free Transport Network Vehicle Services (TNVS) sa seremonya na ginanap nitong Biyernes, Nobyembre 14, 2025, sa MMDA Motorcycle Riding Academy.
Inorganisa ang nasabing aktibidad ng Metro Manila Regional Tobacco Control Network na pinamumunuan ng Department of Health, Metro Manila Center for Health Development.
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay naglabas ng Memorandum Circular No. 063, Series of 2019 na nag-uutos sa lahat ng pampublikong sasakyan na maglagay ng No Smoking at No Vaping Signage at ipinagbabawal ang paggamit ng tobacco at vapor products sa loob ng mga PUV at transportation terminal. Ang multa na aabot sa P15,000 at pagkansela ng Certificate of Public Convenience (CPC) ang naghihintay sa mga lumalabag sa memorandum.
Binubuo ang Metro Manila Regional Tobacco Control Network ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at non-government at naglalayong itaguyod ang mas ligtas at mas malusog na mga lugar ng trabaho at mga pampublikong espasyo.
“Ang pagprotekta sa kalusugan ng mga tao ay isang priyoridad. Ang pampublikong transportasyon ay dapat na malaya sa mga nakakalason na sangkap na maaaring makasama sa mga tao,” sabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes.
Obligado ng LTFRBC Memo ang mga Transportation Network Companies (TNC), operator, driver, at rider na sumunod at makipagtulungan sa pagpapatupad.
“Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, binibigyan ng gobyerno ang mga pasahero at kanilang mga pamilya na makamit ang karapatan sa malinis na hangin, na pinipigilan sila sa mga pinsala na maaaring idulot ng second- at third-hand smoke,” sabi ni DOH Regional Director Lester Tan.
Hinihikayat ng mga partner mula sa Department of Transportation, Land Transportation Office, LTFRB ang mga TNVS operator, driver, at rider na makipagtulungan at tumulong sa pagtataguyod ng mas malusog na mga pampublikong lugar.
Ang mga kinatawan mula sa InDrive, GoCab, Pure Ride, Angkas, Maxim, at iba pang TNC ay nagpahayag ng kanilang suporta at nangako na isasama ang patakaran sa kani-kanilang booking apps. (NINO ACLAN)
