PBBM, tiniyak ang patuloy na pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Cebu

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mananatili ang pambansang pamahalaan sa pagtulong sa mga mamamayan ng Cebu na sinalanta ng bagyo, hanggang sa tuluyan silang makabangon mula sa pinsala.

“As long as the national government is needed, we will be here. We are not leaving,” .

Ayon kay Pangulong Marcos, patuloy na susuportahan ng pamahalaan ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad. Ito aniya ang kanyang pangako sa mga lokal na opisyal ng Cebu, kabilang sina Governor Gwen Garcia at mga alkalde ng lalawigan.

“We will be helping the families of those who became casualties. We will help them back on their feet and do what we can to make up for the loss that they have suffered,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati matapos ang situation briefing sa Cebu Provincial Capitol nitong Biyernes.

“I made the same promise to Cebu — your Governor and your Mayor — that as long as the government is needed, we will be here. We are not leaving,” dagdag pa niya.

Nagpaabot din siya ng taos-pusong pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at tiniyak na patuloy silang tutulungan ng pamahalaan sa kanilang pagbangon.

Bago ang nasabing briefing, bumisita si Pangulong Marcos sa Bayan ng Liloan at Lungsod ng Talisay upang personal na silipin ang isinasagawang relief at recovery operations ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ayon sa Pangulo, bukod sa pamamahagi ng pagkain, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan, magbibigay din ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nasiraan ng bahay.

“Ang ibinibigay natin ngayon ay ₱5,000 para sa mga may partially damaged na bahay, at ₱10,000 naman para sa mga completely damaged na bahay upang mayroon silang magamit sa muling pagpapatayo ng kanilang tahanan,” paliwanag ng Pangulo.

Kasabay nito, nagpadala rin ang pamahalaan ng mga medical team upang tugunan ang mga nasugatan at maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga evacuation center.

Ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na ang pangunahing pinsala ng bagyo ay dulot ng matinding pagbaha, hindi ng malalakas na hangin. Ilan sa mga flood control structures gaya ng mga dike at harang sa tubig ay nasira dahil sa dami ng ulan.

Tinalakay rin ng Pangulong Marcos Jr. ang plano ng pamahalaan sa relokasyon ng mga pamilyang naninirahan sa mga no-build zones. Ayon sa kanya, nakikipag-ugnayan na ang pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang ligtas na lilipatan at mabigyan ng pansamantalang tirahan ang mga hindi pa makababalik sa kanilang mga tahanan.

Samantala, pinaalalahanan ni Pangulong Marcos ang mga lokal na opisyal na manatiling alerto at handa, kahit na hindi direktang tatamaan ng paparating na sama ng panahon ang Visayas region.

Ang Severe Tropical Storm Fung-wong, na pinangalanang Uwan sa bansa, ay pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Biyernes at tuloy-tuloy na minonitor. 

Verified by MonsterInsights