DSWD, Handa na sa Bagyong ‘Uwan’; 1.9M Food Packs, Naisalansan Na

Handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng pananalasa ng Super Bagyong “Uwan”, matapos itong mag-gayak ng mahigit 1.9 milyong family food packs (FFPs) sa mga bodega sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD at pinuno ng Disaster Response Management Group (DRMG), nakaposisyon na ang mga relief goods at nakahanda ang mga disaster response teams mula sa national office hanggang sa mga field office.

“So makikita nyo po, nakahanda ang buong DSWD. Those goods are already on the ground. It’s just a matter of accessing this or dispatching it to the local government units na magre-request po ng augmentation support from the DSWD,” sabi ni Dumlao sa isang media forum.

Sa mahigit 1.9 milyong food packs, 300,000 ay nakaimbak sa Region 3 (Central Luzon), kabilang ang 40,000 sa Aurora Province.
May 148,000 naman sa Region 2 (Cagayan Valley), halos 100,000 sa Region 1 (Ilocos Region), at 68,000 sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ipinaliwanag ni Dumlao na sa ilalim ng “Buong Bansa Handa” (BBH) program ng DSWD, naglatag ang ahensya ng dalawang supply chains para mas mabilis maihatid ang tulong hanggang sa antas ng munisipyo.

Nag-deploy din ang DSWD ng mobile command center na may kasamang generator, IT equipment, at Starlink internet connection para masiguro ang tuloy-tuloy na komunikasyon sakaling mawalan ng kuryente o signal.

Sa paghahanda sa pagdating ni “Uwan,” patuloy pa rin ang DSWD sa pagbibigay ng tulong sa mga komunidad na sinalanta ng Bagyong Tino.
Aabot na sa 350,000 family food packs ang naipamahagi, at tuloy-tuloy ang operasyon ng mga regional field offices ng ahensya.

“Nagpunta po kami sa Cebu para makipag pulong sa mga local chief executives at matukoy kung ano pa po yung mga tulong or interventions na maari nating maipabaabot…. At habang naghahanda nga po kami para sa pagdating ng Bagyong Uwan, ang DSWD po ay nagpapatuloy sa isinasagawa nito na humanitarian assistance and disaster response efforts doon naman sa naapektuhan ng Bagyong Tino,” dagdag ni Dumlao.

Inihahanda rin ng DSWD ang Emergency Cash Transfer (ECT) program katuwang ang mga LGU upang matulungan ang mga pamilyang labis na naapektuhan ng mga bagyo.

Bukod dito, nag-deploy na rin ang ahensya ng mobile kitchen para magpakain ng mainit na pagkain sa mga evacuees, at mahigit 400 portable water filtration kits sa Cebu at iba pang lugar na tinamaan ng pagbaha.

“Nagpadala rin kami ng mahigit 400 pieces of these water filtration kits. Ito po, makikita nyo, meron itong water filtration system which is may 0.1 micron filters that could actually remove cholera, salmonella, E. coli, at coliform bacteria,” paliwanag ni Dumlao.

Upang masuportahan ang mga relief operations, humiling ang DSWD sa Department of Budget and Management (DBM) ng ₱625 milyon para sa replenishment ng Quick Response Fund (QRF).

“Ang DSWD is always grateful to the Department of Budget and Management kasi lahat po ng mga requests namin for QRF replenishment ay agad po nila na natutugunan… dahil kinakailangang magpatuloy yung pamamahagi natin ng tulong dito sa mga naapektuhan ng Bagyong Tino and also inanticipate natin yung pang magiging response actions natin para naman doon mga maaapektuhan nitong si Bagyong Uwan,” ani Dumlao.

 Tiniyak ng DSWD na patuloy itong nakaantabay at handang magbigay ng agarang tulong at suporta sa mga komunidad na maaapektuhan ng kalamidad.(LB)

Verified by MonsterInsights