Mahigit ₱217B, inilabas ng PhilHealth para sa claims ng pasyente
Nagpalabas ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng mahigit ₱217.93 bilyon bilang kabuuang bayad sa mga claim ng mga ospital at health facilities sa buong bansa mula Enero hanggang Setyembre 2025 — halos doble (94.18% na pagtaas) kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa PhilHealth, patunay ang biglang pagtaas ng mga bayad ng mas matatag na tulong pinansyal ng ahensya sa mga pasyente at health providers, kasabay ng pagsisikap nitong mapabilis at mapagkakatiwalaan ang serbisyo.
Sa kabuuang halagang inilabas, ₱127.79 bilyon ang napunta sa mga pribadong ospital, habang ₱90.14 bilyon naman ang sa mga pampublikong ospital.
Hanggang Setyembre 30, 2025, naitala ng PhilHealth ang average processing time na 22 araw lang kada claim — malaking improvement sa bilis ng serbisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paghusayin ang performance ng ahensya.
Sinabi ng PhilHealth na napunta ang malaking bahagi ng gastos sa mga Z Benefit Packages para sa mga malulubhang sakit tulad ng heart surgery, cancer, at kidney transplant, pati na rin sa mahal na gamutan gaya ng hemodialysis, na patuloy na dumarami dahil sa tumataas na pangangailangang medikal ng mga Pilipino.
Binigyang-diin din ng ahensya ang pangangailangang lumipat sa Diagnosis-Related Group (DRG) payment system upang mas maayos na masukat at mabayaran ang mga gastusing medikal batay sa tindi at uri ng sakit.
“Ang DRG system ay mas patas at makakatulong para mabayaran nang tama ang mga ospital at doktor ayon sa bigat ng karamdaman at serbisyong ibinigay,” ayon kay Dr. Edwin M. Mercado, PhilHealth President at CEO.
Tiniyak ng PhilHealth sa publiko na patuloy nitong pabibilisin ang claims process gamit ang automated at streamlined systems upang matiyak ang mabilis na pagdaloy ng pondo sa mga accredited hospitals—bilang bahagi ng pangako nitong maging Mabilis, Tapat, at Mapagkakatiwalaan. (LB)
