Gatchalian: Puksain ang Red Tape, Pabilisin ang Serbisyo Publiko

Hinamon ni Senador Win Gatchalian ang Office of the Ombudsman na tuluyang buwagin ang nakakairitang red tape sa gobyerno na aniya’y pumapatay sa negosyo at pumipigil sa pag-unlad ng bansa.

“Ang red tape ang pinakamalaking balakid sa pag-asenso ng Pilipinas. Sa halip na padaliin natin ang buhay ng mga negosyante, lalo pa nating pinahihirap,” mariing pahayag ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.

Giit pa ng senador, may kapangyarihan ang Ombudsman na magsampa ng kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian at red tape.

“May Anti-Red Tape Authority tayo, pero ang tunay na aksyon nasa Ombudsman. Dapat tutukan ‘to—dahil negosyo mismo ang pinapatay ng red tape!” dagdag ng solon.

Matatandaang sa nakaraang pagdinig sa Senado, nangako si Ombudsman Jesus Remulla na makikipagtulungan sa ARTA para mapabilis ang mga proseso sa gobyerno, kabilang na ang pagkuha ng mga permit para sa pagtatayo ng cell sites—isa sa mga ugat ng mabagal na internet service sa bansa.

“Tama na ang palusot at papeles. Kailangang magkaisa ang lahat para tuluyang mawala ang red tape,” panawagan ni Remulla. (LB)

Verified by MonsterInsights