Goitia, Mariing Kinondena ang Umanoy Banta sa Buhay ni Pangulong Marcos at Kanyang Pamilya

Mariing kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng apat na makabayang organisasyon, ang umano’y planong pananakit o pag-atake laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa kanyang pamilya. Tinawag niya ang naturang balak na isang “duwag na gawain” na aniya’y tahasang paglabag sa diwa ng Republika at sa dangal ng sambayanang Pilipino.

Ang pahayag ay tugon sa mga impormasyong isiniwalat ng blogger na si Pebbles Cunanan. Ayon kay Cunanan, may mga grupong umano’y konektado sa ilang tagasuporta ng nakaraang administrasyon na nagbabalak ng marahas na hakbang laban sa Pangulo.

“Alam na ni Duterte na hindi na siya makakalabas.. ang huling hiling ni Duterte, ipapatay si BBM, buong pamilya,” pahayag ni Cunanan sa isang panayam.

Dagdag pa niya, mayroon umanong grupong tinatawag na “Sara Army” na sinasabing nagsasanay sa Sorsogon, at may kaalaman din umano rito si Senador Chiz Escudero.

“Banta sa Pangulo, Banta sa Republika”

Sa isang pahayag, iginiit ni Goitia na ang anumang banta laban sa Pangulo ay banta rin sa Republika mismo.

“Isa itong pag-atake sa ating demokrasya, sa ating kapayapaan, at sa katatagang pinanghahawakan ng bawat pamilyang Pilipino,” aniya.

Nanawagan siya sa publiko na manatiling mapagbantay at huwag hayaang manaig ang karahasan sa diskursong pampulitika.

“Maaaring hindi tayo sang-ayon sa lahat ng polisiya ng pamahalaan. Ngunit kailanman, hindi magiging katanggap-tanggap ang paggamit ng dahas bilang paraan ng pagtutol,” dagdag ni Goitia.

Panawagan sa Kapayapaan at Legal na Proseso

Hinimok ni Goitia ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon, habang pinaalalahanan ang publiko na umiwas sa pagpapakalat ng hindi pa beripikadong impormasyon.

“Ang katotohanan ay dapat lumabas sa tamang proseso ng batas, hindi sa mga haka-haka o ingay sa social media,” ani Goitia.
“Ang hustisya ay dapat maging matatag at makatarungan upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon.”

Pagprotekta sa Institusyon ng Pagkapangulo

Binigyang-diin ni Goitia na ang Pangulo ay hindi lamang isang tao kundi simbolo ng estado at pagkakaisa ng bansa.

“Kapag inatake ang institusyon ng pagkapangulo, humihina ang bansa. Kaya’t ang pagprotekta sa Pangulo ay pagprotekta sa mismong Republika.”

Ipinunto rin niya na dapat ding igalang at bigyan ng seguridad ang pamilya ng Pangulo, lalo na kung sila’y inaakusahang kasama sa target ng ganitong mga banta.

“Ito ay lumalampas na sa usaping pampulitika. Ang ganitong uri ng pagbabanta ay laban na sa moralidad at pagkatao.”

Pagkakaisa, Hindi Paghihiwalay

Sa gitna ng mga maiinit na usapin sa politika, nanawagan si Goitia ng pagkakaisa sa kabila ng magkakaibang paniniwala.

“Hindi natin kalaban ang isa’t isa. Ang tunay na kalaban ay ang pagkakawatak-watak at poot. Dapat tayong magkaisa sa ilalim ng batas at malasakit sa bayan upang mapanatili ang katatagan ng Republika.”

Aniya, ang pagtatanggol sa Pangulo ay hindi bulag na katapatan, kundi tanda ng pagmamahal sa bansa.

Pagkamulat ng Mamamayan: Senyales ng Buhay na Demokrasya

Sa huli, sinabi ni Goitia na ang pagiging mausisa at mapanuri ng publiko sa mga isyung gaya nito ay palatandaan ng isang malusog na demokrasya.

“Ang bansang may alam ay bansang hindi madaling linlangin. Magsikap tayong maging mapanuri, mapayapa, at responsable sa gitna ng mga kontrobersiya.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon:
Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

Verified by MonsterInsights