Halos 7,000 Winning Offers sa Pag-IBIG Acquired Assets Super Sale

Umabot na sa halos 7,000 winning bids at purchase offers ang naitala sa loob lamang ng anim na linggo mula nang ilunsad ng Pag-IBIG Fund ang Acquired Assets Super Sale, ayon sa mga opisyal ng ahensiya.
Mula nang simulan ang online Super Sale noong Agosto 25, nakapagtala ang Pag-IBIG Fund ng 6,402 winning bids mula sa mga online buyers sa iba’t ibang panig ng bansa. Bukod dito, 486 na kasalukuyang occupant ng mga Pag-IBIG acquired properties ang nagsumite ng kanilang offer para bilhin ang bahay na kanilang tinitirhan.
“Lubos kaming natutuwa sa maagang tagumpay ng Pag-IBIG Acquired Assets Super Sale. Ang halos 7,000 winning bids at purchase offers ay patunay ng mainit na pagtanggap ng aming mga miyembro nito. At higit sa lahat, nangangahulugan ito na mas marami ang magkakaroon ng sariling bahay,” ani DHSUD Secretary at Pag-IBIG Fund Board Chairperson Jose Ramon P. Aliling. “Ang Super Sale ay isa lamang sa mga programang ipinatutupad sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program. Makakaasa po ang ating mga kababayan na lalo pa naming pag-iibayuhin ang aming mga programa sa pabahay, bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na mabigyan ang mga manggagawang Pilipino ng abot-kayang pagkakataong makapagmay-ari ng sariling tahanan.”
Sa ilalim ng Super Sale, mahigit 30,000 foreclosed properties ang inaalok sa mas mababang presyo na may karagdagang diskwento. Para sa unoccupied properties, maaaring makakuha ang mga buyer ng discount na hanggang 35%. Samantala, ang mga occupied properties ay may discount na hanggang 40%. Para naman sa mga kasalukuyang occupant, maaaring bilhin ang kanilang tinitirhang bahay sa pamamagitan ng direct sale na may 10% discount.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, malaking bahagi ng tagumpay ng Super Sale ay dahil sa online auction system ng ahensya na nagbibigay ng mas convenient at transparent na paraan ng pagbili ng mga acquired assets.“Hindi lamang malaking discounts ang alok namin sa Acquired Assets Super Sale, may Online Public Auction din kami sa aming website na user-friendly para mas marami ang makasali,” ani Acosta.
Hinimok din ni Acosta ang kasalukuyang nakatira sa mga Pag-IBIG Acquired Assets na samantalahin ang kasalukuyang sale. “Ito na ang pinakamainam na panahon para sa mga kasalukuyang occupant na mapasakanila ang kanilang tinitirhan. Bibigyan namin sila ng Invitation to Purchase upang tulungan silang maging lehitimong may-ari ng Pag-IBIG Acquired Asset na kanilang tinitirahan at magkaroon ng kapanatagan ng loob, na sa wakas ay may tahanan silang tunay na maituturing na kanila,” ani Acosta.
Dagdag pa ni Acosta, lingguhan ang posting ng mga bagong properties hanggang Disyembre 14, 2025, kaya’t patuloy niyang hinihikayat ang mga gustong magkabahay na gamitin ang Online Public Auction ng ahensya sa www.pagibigfundservices.com/OnlinePublicAuction upang makapili at makapag-submit ng kanilang bids sa Pag-IBIG Fund Acquired Assets Super Sale.