Goitia, Pinuri ang Hakbang ng DepEd: Pagtuturo ng Kaalaman ng Ating Karagatan, Kakambal ay Pagpapatibay ng Bansa
Pinuri ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang plano ng Department of Education (DepEd) na isama sa kurikulum ng mga mag-aaral ang aralin tungkol sa West Philippine Sea (WPS). Ayon sa kanya, ito ay “matalino at makabayang hakbang para palakasin ang kamalayang pambansa.”
“Hindi mo maipagtatanggol ang isang bagay na hindi mo alam,” ani Goitia. “Kapag itinuro natin sa mga bata ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS), hindi lang heograpiya ang itinuturo natin kundi maging ang pagtuturo ng pagmamahal sa bayan.”
Kamakailan, namataan ang mga barko ng China na lumapit nang mapanganib sa Pag-asa (Thitu) Island at gumamit ng water cannon laban sa mga barkong Pilipino na nagpapatrolya sa lugar. Noong Hunyo ng nakaraang taon, ilang sundalong Pilipino naman ang nasugatan sa Second Thomas Shoal matapos sakyan at atakehin ng China Coast Guard — bagay na kinondena ng Estados Unidos, European Union, at iba pang bansa bilang malinaw na paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Ilan lamang ito sa mga insidenteng nagpapakita ng patuloy na panggigipit at agresibong kilos ng China sa ating karagatan.
Edukasyon Bilang Depensa ng Bayan
Para kay Goitia, ang silid-aralan ay isa ring linya ng depensa ng bansa. Aniya, ang maling impormasyon ay kasing delikado ng anumang banta mula sa labas.
“Nagpapakalat ang China ng mga kasinungalingan para bigyang-katwiran ang kanilang mga pag-angkin sa ating karagatan. Dapat itong tapatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng katotohanan,” paliwanag niya. “Kapag alam ng mga estudyante ang tungkol sa 2016 Arbitral Ruling at sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ), magkakaroon sila ng totoong kaalaman at malasakit sa tunay na pag-aari ng sambayanang Pilipino.”
Idinagdag ni Goitia na hindi lang ito tungkol sa kasaysayan, kundi sa paghubog ng mga kabataang magmamalasakit sa bayan.
“Ang soberanya ay hindi lang salita,” aniya. “Ito ay kabuhayan ng ating mga mangingisda, likas na yaman ng bansa, at dangal ng bawat Pilipino.”
Binigyang-diin din niya ang pagbibigay ng suporta sa mga guro sa pamamagitan ng tamang kagamitan at pagsasanay.
“Ang mga guro natin ang kinakailangang mas may kaalaman dahil sila ang nakaumang sa harap ng laban na ito. Kailangan nila ng mga mapa, materyales, at tamang gabay — hindi lang mga leksiyon kundi inspirasyon.”
Pagtuturo ng Katotohanan, Pagbubuo ng Pagkakaisa
Paalala ni Goitia, nagiging mapanganib ang kasinungalingan kapag ito’y inuulit nang inuulit hanggang magmistulang totoo. Aniya, ang edukasyon ang pinakamabisang sandata laban dito sapagkat ito ang humuhubog ng kamalayan, mapanuring pag-iisip, at tibay ng loob ng kabataan.
“Kapag alam ng mga bata ang katotohanan, mas mahirap silang malinlang at mas madali silang magkaisa.”
Ayon pa sa kanya, ang hakbang ng DepEd ay higit pa sa pagbabago ng kurikulum; ito ay hakbang tungo sa mas matatag na pagkakakilanlan bilang isang bansa.
“Ang laban para sa ating karagatan ay hindi lang sa dagat,” pahayag ni Goitia. “Ito ay nagsisimula sa paghubog ng isip at puso ng kabataan sa loob ng silid-aralan.”
Iminungkahi rin niya na magkaroon ng debate, sanaysay, at mga malikhaing proyekto sa mga paaralan upang maging mas kawili-wili at kapaki-pakinabang ang pagtalakay sa West Philippine Sea (WPS).
“Hindi sapat na makita ng mga bata ang West Philippine Sea (WPS) sa mapa,” pahayag ni Goitia. “Dapat nila itong maramdaman sa mga kuwento at awitin, sapagkat doon umuusbong ang tunay na diwa ng pagiging makabayan.”
Pagbabantay sa Katubigan, Pagbabantay sa Katotohanan
Ayon kay Goitia, ang hakbang na ito ng DepEd ay tugma sa pagsisikap ng pamahalaan na paigtingin ang depensa sa karagatan.
“Habang binabantayan ng ating Coast Guard ang karagatan, ang ating mga guro naman ang magbabantay sa katotohanan,” aniya. “Pareho silang tagapagtanggol ng Republika.”
Sa pagtatapos, ibinahagi ni Goitia ang mensaheng sumasalamin sa kanyang matagal nang paninindigan:
“Dapat lumaki ang ating mga anak na alam na ang West Philippine Sea (WPS) ay hindi lang karagatan sa mapa. Ito ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon:
Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (MARISA SON)