PRES. MARCOS SA DICT: WAKASAN ANG ONLINE SCAMS SA PASKO

Inutusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na wakasan ang talamak na online scams, lalo na ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.

Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na malinaw ang bilin ng Pangulo.

“Ang direktiba po ng Presidente sa amin malapit nang mag-Pasko sabi niya, ‘Puwede ba pagdating ng Pasko mawala na iyong mga online financial scams,”ani ng kalihim.

Ayon kay Aguda, mataas ang online transactions tuwing Kapaskuhan, kaya nais ng administrasyon na maging ligtas ang publiko sa kanilang  pamimili online.

“Ang aspiration po natin ngayon ay kapag nag-transaction kayo online itong Pasko kung saan mataas ngayon ang paggamit ng credit card at saka online payment ay kampante po tayo,” pahayag ni Aguda.

Para tugunan ito, nakipagsanib-puwersa na aniya ang DICT sa Global Anti-Scam Alliance, Globe Telecom, at iba pang telcos upang palakasin ang kampanya kontra panloloko online.

Samantala, bukod sa online scams, tututukan din ng DICT ang paglaganap ng fake news at deepfakes na patuloy na nanlilinlang sa publiko. Ipinatawag na ng ahensya ang mga telco at social media companies noong Setyembre 19 para sa isang pulong ukol sa content moderation.

“Kasi overseas iyong mga content moderation nila, eh iyong konteksto po ba na kontekstong Pilipino hindi nila masyadong nakukuha kapag nasa ibang bansa sila,” saad ni Aguda. “So, dito po at saka makikipag-ugnayan sila nang mabuti sa atin,” dagdag pa niya.

Pangungunahan umano ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang kampanya kontra fake news, katuwang ang ilang ahensya gaya ng DBM, DSWD, BOC, at DPWH.

”Panahon na para sugpuin ang panloloko at maling impormasyon sa internet lalo na ngayong Pasko,” giit ni Aguda. (LB)

 

Verified by MonsterInsights