PhilHealth, nagluwag ng polisiya para sa mga biktima ng lindol

Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa agarang tulong para sa mga biktima ng lindol, agad ipinatupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang provisional contracting para sa Z Benefits para sa mga piling orthopedic implants, kasunod ng matinding Magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu at mga karatig-lalawigan noong Setyembre 30, 2025.

Ayon kay Acting President at CEO Dr. Edwin M. Mercado, na isa ring orthopedic surgeon, “Mahalaga ang agarang aksyon para maisalba ang buhay at mga paa’t kamay”.

Ang probisyonal na polisiya ay epektibo simula Setyembre 30, 2025, hanggang sa pagtanggal ng declared state of calamity.

Sa ilalim ng polisiya, ipatutupad ng PhilHealth ang mga sumusunod:

  • Pinalawak na Access: Ang mga health care institution (HCIs) sa Cebu ay bibigyan ng probisyonal na accreditation para makapagbigay ng Z Benefit para sa orthopedic implants.
  • Pagpapatupad ng No Co-Pay: Ang mga biktima na nangangailangan ng implants ay sasagutin sa zero co-payment.
  • Mas maluwag na polisiya para sa mga healthcare professionals: Ang mga PhilHealth accredited doctors ay maaaring magsagawa ng operasyon at mabayaran, kahit hindi sila kaanib ng contracted health facility.
  • Pag-alis sa 24-Oras na Confinement: Inalis ang karaniwang patakaran sa 24-oras na confinement para sa mga nangangailangan ng agarang orthopedic intervention.
  • Pinalawig na pag-file ng Claims: Maaaring i-file ang claims sa loob ng 120 araw mula sa discharge, kabilang ang retroactive coverage para sa mga na-admit 60 araw bago ang Setyembre 30, 2025.

Ang mabilis na tugon na ito ay naglalayong protektahan ang kalusugan ng mga Pilipino sa lahat ng oras lalo na sa panahon ng krisis.

Verified by MonsterInsights