Mga Tsismis sa Pagbibitiw ni Magalong, Kasangkapan ng Panlilinlang- Goitia
Mariing pinabulaanan at kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang naging pahayag ni Ka Eric Celiz na nagsasabing si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay napilitang magbitiw dahil umano sa presyur mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ayon kay Goitia, ang ganitong uri ng alegasyon ay isang “kasangkapan ng panlilinlang” na layuning baluktutin ang katotohanan at sirain ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
“Mismong si Mayor Magalong na ang nagpaliwanag: ang kanyang pagbibitiw ay isang personal at may prinsipyo’ng desisyon upang mapangalagaan ang integridad ng kanyang tungkulin at ng pamahalaan sa gitna ng kampanya laban sa korapsyon,” pahayag ni Goitia. “Ang bersyon ni Ka Eric na may ‘utos’ mula sa Pangulo na itigil ang imbestigasyon, o di umano’y tumanggi si Magalong na makipagpulong sa Malacañang, ay walang batayan at pawang kasinungalingan.”
Paulit-ulit na Pagpapakalat ng Disimpormasyon
Binatikos din ni Goitia ang umano’y “rekord” ni Ka Eric sa pagbibigay ng mga paratang na walang sapat na ebidensya.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ni Ka Eric ang plataporma niya upang magpalaganap ng mga mapanirang kuwento. Sa halip na maghatid ng liwanag, ang kanyang mga pahayag ay nagpapalabo sa katotohanan,” dagdag pa niya. “Hindi siya whistleblower. Isa siyang imbentor ng kuwento na paulit-ulit nang nasangkot sa mga pahayag na walang substansya.”
Walang ‘Snub’: Igalang ang Desisyon ni Magalong
Mariin ring pinabulaanan ni Goitia ang tsismis na sinadyang isnabin ni Mayor Magalong ang Pangulo.
“Ang Tanggapan ng Pangulo ay hindi palengke ng tsismis. Ang paggawa ng kwento ukol sa diumano’y ‘snub’ ay hindi lamang kababawan, ito’y kawalang-galang sa parehong opisina ng Pangulo at kay Mayor Magalong,” aniya. “Si Magalong ay isang taong may integridad, at ang kanyang desisyon ay dapat igalang, hindi gamitin sa mga drama ng mga taong nabubuhay sa ingay at iskandalo.”
Wag Gamitin ang Militar sa Pekeng Naratibo
Kinondena rin ni Goitia ang pagsasangkot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa umano’y mga kwento ng destabilization.
“Ang paggamit sa ating kasundaluhan bilang props sa mga haka-haka ay hindi lamang iresponsable, kundi isang insulto sa kanilang dangal at tungkulin,” giit ni Goitia. “Ang AFP ay may sagradong tungkulin: ang ipagtanggol ang Republika sa ilalim ng sibilyang pamumuno. Ang pagpapakalat ng tsismis ukol sa pagkabalisa nila o diumano’y pagtalikod sa gobyerno ay isang anyo ng panlilinlang na nagpapahina sa ating demokrasya.”
Disimpormasyon ay Hindi Malayang Pananalita
Ayon kay Goitia, ang karapatan sa malayang pananalita ay hindi dapat gamiting depensa sa sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon.
“Ang kalayaan sa pananalita ay hindi nangangahulugan ng kalayaang magsinungaling,” aniya. “Kapag ginagamit ang salita para maghasik ng takot, kaguluhan, at sabotahe sa ating institusyon—hindi iyon bahagi ng demokrasya. Iyon ay panlilinlang na dapat panagutin.”
Panawagan: Iwaksi ang Tsismis, Ipaglaban ang Katotohanan
Sa kanyang pagtatapos, nanawagan si Goitia sa taumbayan na huwag magpaapekto sa mga walang basehang alegasyon.
“Ang sambayanang Pilipino ay karapat-dapat sa katotohanan, hindi sa hysteria. Ang Pangulong Marcos ay namumuno nang may hinahon, respeto sa batas, at malasakit sa bayan. Hindi dapat pahintulutan ng mamamayan na ang mga imbentong naratibo ng iilang indibidwal ay sirain ang tiwala natin sa ating mga institusyon. Ang pagkakaisa sa gitna ng mga pagsubok, at hindi ang kaguluhan mula sa tsismis, ang magtatanggol sa ating demokrasya.” (MARISA SON)