Gatchalian, Binatikos ang COA sa Kabiguang Tukuyin ang Anomalya sa Flood Control Projects

Binira ni Senador Win Gatchalian ang Commission on Audit (COA) dahil sa umano’y kapalpakan nito na matukoy ang mga kuwestiyonableng flood control projects na lumalabas na ‘ghost projects’ o kaya’y substandard.

Sa kanyang pagbusisi, ibinulgar ni Gatchalian ang ilang nakakabiglang “red flags” na aniya’y dapat ay agad na nahagip ng COA. 

Isa sa mga proyekto, 89% nang tapos matapos lang ang 15 araw mula nang bigyan ng go-signal, at kumpleto na raw sa loob ng 34 days – imposible raw ‘yan sa totoong buhay. Sa isa pang proyekto, 46% nang tapos sa loob ng dalawang araw lang, at 89% matapos ang 86 days.

Pero ang mas nakakabahala, pare-pareho raw ang litrato na ginamit bilang ebidensya ng progreso sa iba’t ibang proyekto – malinaw na kalokohan.

“Sapat na sana ang simpleng pag-review ng mga dokumento para mahuli agad ang pandaraya,” diin ng senador.

Bilang chair ng Senate Committee on Finance, hinihinala rin ni Gatchalian na may sabwatang nagaganap sa loob mismo ng COA, partikular na sa resident auditor na naka-assign sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Hindi ako naniniwala na makakalusot ‘to sa COA kung hindi kasabwat ang auditor,” matapang na pahayag ni Gatchalian. 

“Ang gusto natin, maibalik ang tiwala ng taumbayan sa COA,” pagtatapos ng solon. (LB)

Verified by MonsterInsights